Mga taga-gobyerno, magkusa nang umiwas sa sugal
- BULGAR

- Aug 28, 2025
- 1 min read
by Info @Editorial | August 28, 2025

Sa kabila ng kawalan ng isang tiyak na batas na nagbabawal sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na magsugal, may mga lingkod-bayan na kusa namang umiiwas dito.
Sa panahon ngayon kung kailan laganap ang mga bisyo at tukso, lalo na sa paligid ng mga may kapangyarihan at pera, ang disiplina ay mahalaga.
Hindi na kailangang sabihan pa o pilitin. Kusang loob nang iwasan ang pagsusugal — isang aktibidad na bagama’t legal sa ilang lugar, ay hindi angkop sa imahe ng isang lingkod-bayan. Bakit? Sapagkat ang sugal ay madalas na kaugnay ng katiwalian, pagkakautang, at kapabayaan sa tungkulin.
Kapag ang isang opisyal ay nakikita sa mga casino o babad sa online gambling, nabubuo agad ang duda ng publiko. “Saan kaya kinukuha ang ipinansusugal niya?” “Nakakapagtrabaho pa ba siya nang maayos?” Mga tanong na hindi na kailangang itanong kung sila ay kusa nang umiwas sa ganitong gawi.
Ipakita natin na may mga nananatiling tapat, mga lider at empleyadong inuuna ang tiwala ng publiko kaysa pansariling aliw.
Ang ganitong asal ay nagbibigay ng magandang halimbawa lalo na sa mga kabataan. Kung ang mga taong nasa gobyerno ay marunong umiwas sa sugal, bakit hindi natin kaya?
Ang pinakamahalagang pagbabago ay nagsisimula sa loob — sa konsensiya, prinsipyo, at sa malasakit sa bayan.





Comments