top of page
Search
  • BULGAR

Mga survey firm, ‘Campaign Manager’ ng mga trapo at political dynasty, eh ‘di wow!

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Abril 6, 2024



HUWAG MANIWALA SA MGA SURVEY KASI MISTULANG CAMPAIGN MANAGER NG MGA TRAPO AT POLITICAL DYNASTY ANG MGA SURVEY FIRMS -- Sunud-sunod na namang nagsasagawa ng survey ang mga survey firms.


Itong mga survey firms, kung susuriin ay mistulang mga campaign manager sila ng mga trapo (traditional politicians) at political dynasty, kaya’t babala natin sa publiko, huwag nagpapaniwala sa mga survey result.


Kapuna-puna kasi na iyong mga ipinapasok o ikinakampanya ng mga survey firm na pasok sa top 12 senatoriables ay mga trapo at may political dynasty, boom!


◘◘◘


KATAKA-TAKA ANG SURVEY NG MGA SURVEY FIRMS, KASI LAGLAG SI EX-VP LENI SA SENATORIAL ELECTIONS, PERO SINA PACQUIAO, ISKO AT LACSON, PASOK SA TOP 12 -- Isa sa patunay na panloloko lang ang mga survey ay iyong ranking ni former Vice President Leni Robredo, na sa survey ng OCTA ay pang-29 at sa survey ng Pulse Asia ay pang-27 ang dating bise presidente, kumbaga ay parang ikinakampanya nila na huwag itong iboto kasi matatalo lang.


Kung babalikan natin ang resulta ng 2022 presidential election, ang nakuhang boto ni ex-VP Leni ay higit 14 million votes, si ex-Sen. Manny Pacquiao ay higit 3 million votes, si Isko Moreno ay higit 1 million votes, si ex-Sen. Ping Lacson ay higit 800K votes, tapos sa resulta ng survey ng OCTA at Pulse Asia, pasok sa top 12 sina Pacquiao, Isko at Lacson, pero si ex-VP Leni ay laglag na laglag sa ranking ng mga survey firm, kataka-taka!


◘◘◘


PAHIRAP TALAGA SA MAMAMAYAN ANG DALA NG ‘BAGONG PILIPINAS' NI PBBM -- Pumalo sa 3.7% ang inflation rate sa bansa last month, na ang ibig sabihin ay nagtaasan na naman ang presyo ng mga bilihin at bayarin sa Pilipinas.


Hay naku, tila yata hindi na bababa ang presyo ng mga bilihin at bayarin sa ilalim ng Marcos administration.


Patunay ‘yan na pahirap sa mamamayan ang dala ng slogan na “Bagong Pilipinas” ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM), tsk!


◘◘◘


DAPAT SUPORTAHAN SI TRILLANES FOR MAYOR NG CALOOCAN CITY PARA MAWAKASAN NA ANG POLITICAL DYNASTY NG PAMILYA MALAPITAN -- Tatakbo raw si former Sen. Antonio Trillanes sa pagka-alkalde ng Caloocan City.


Ayos ‘yan, at sana suportahan ng mga taga-Caloocan City ang kandidatura ni Trillanes para mawakasan na ang political dynasty ng Malapitan sa lungsod na ito, period!


◘◘◘


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page