Mga senior citizens, mas pinadali na ang pag-utang
- BULGAR
- Sep 19, 2021
- 3 min read
@Buti na lang may SSS | September 19, 2021
Dear SSS,
Ako ay pensiyunado ng SSS. Kamakailan ay nabalitaan ko na mayroong pautang para sa aming mga pensiyunado. Paano mag-apply dito? – Lolo Tonio
Sagot
Mabuting araw sa ‘yo, Lolo Tonio!
Totoong may pautang ang SSS para sa mga retiradong pensyunado nito at ito ang Pension Loan Program (PLP). Layunin ng programa ang makapagbigay ng tulong-pinansiyal sa pamamagitan ng pautang na may mas mababang interes. Batid naman natin sa panahong ito na nasa gitna tayo ng pandemya ay kailangan n’yo ng karagdagang financial assistance para sa inyong mga pangangailangang medikal atbp.
Isa rin itong proteksiyon sa ating mga pensiyunado upang maiwasan ang inyong pagsasanla ng mga ATM cards Lolo Tonio. Karaniwan sa ating mga private lending institutions ay kinukuha nila bilang kolateral ang ATM para sa lubhang napakataas na interes na may mas mahabang loan term o pagbabayad.
Upang makahiram sa ilalim ng PLP kinakailangan na matugunan ninyo ang sumusunod na kondisyon:
hindi dapat hihigit sa 85 taong gulang sa katapusan ng termino ng pautang;
walang ibinabawas sa kanyang buwanang pensiyon, tulad ng natitirang balanse sa ibang pautang ng SSS o kaya’y sobrang benepisyong binayaran ng SSS;
walang utang sa ilalim ng SSS Calamity Assistance Package; at
tumatanggap na ng regular na pensiyon na hindi bababa sa isang (1) buwan.
Halimbawa, nag-apply kayo ngayong Setyembre, ang simula ng inyong pagbabayad ay sa Nobyembre pa.
Sa kasalukuyan, maaari kayong makahiram ng katumbas ng tatlo hanggang 12 beses ng inyong tinatanggap na basic monthly pension (BMP) kasama ang P1, 000-additional benefit na ibinigay noong 2017. Subalit, hindi ito hihigit sa P200, 000. Dagdag pa rito, dapat ang net take-home pension o matitira sa inyong buwang pensiyon ay hindi baba sa 47.25% nito.
Ang pension loan na katumbas ng tatlong beses ng inyong tinatanggap na buwang pensiyon ay babayaran ninyo sa loob ng anim na buwan. Kapag katumbas naman ng anim na beses ng inyong buwang pensiyon, maaari ninyo itong bayaran sa loob ng 12-buwan.
Kung ang nahiram ninyong pension loan ay katumbas ng siyam o 12-beses ng buwang pensiyon, maaari ninyo itong bayaran ng hanggang 24-buwan o sa loob ng dalawang taon.
Samantala, para sa mga first-time applicants, ito ay kinakailangang i-file sa pamamagitan ng drop box system. Para sa renewal naman, ito ay maaari nang i-file sa pamamagitan ng online. Kinakailangan lamang na kayo ay nakarehistro sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website, www.sss.gov.ph. Hinihingi rin namin ang inyong contact number o aktibong mobile number, kabilang ang inyong SSS UMID-ATM o kaya’y ang Union Bank Quick Cash Card para rito.
Mag-log in kayo sa inyong My.SSS account at magtungo kayo sa E-Services tab kung saan makikita ninyo ang “Apply for Pension Loan.” I-click ninyo ito upang simulan ang iyong aplikasyon. Sunod, piliin ang halaga ng iyong uutangin at kung gaano mo ito katagal babayaran. Matapos nito, i-click ang “I agree sa mga terms and conditions of the program.”
Lolo Tonio, maaari naman ninyong i-download o kaya’y i-print ang kopya ng Disclosure Statement. Makatatanggap na kayo ng kompirmasyon sa pamamagitan ng e-mail o text tungkol sa iyong aplikasyon. Papasok ang halaga ng iyong inutang sa inyong UMID-ATM o UnionBank Quick Cash Card.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.



Comments