Mga scammers na nagle-level up sa panloloko, dapat sabayan ng mas matinding parusa
@Editorial | September 3, 2022
Mas naging talamak ang panloloko online at marami na ang nabibiktima.
'Yung mga diskarte ng pang-i-scam noon, nagle-level up na rin, sumasabay sa panahon.
Kaya ang paalala ng mga awtoridad at eksperto sa publiko, iwasan ang pag-overshare ng mga personal information sa online at maging mapagmatyag laban sa pag-reply sa mga scam, tulad sa text. Huwag magpapauto at lalong 'wag magpapasindak.
Ayon sa isang cyber security expert, ang mga nasabing personal na impormasyon ng mga subscribers ay umaabot sa mga scammers sa pamamagitan ng data breaches na ibinebenta sa dark web. Ito umano ang dahilan kung bakit may ilan sa mga scam text ay tugma sa number at pangalan ng may-ari. Kaya dapat managot din ang nagbebenta nito.
Walang ipinagkaiba sa mga lumang scam na text message na nagta-target na linlangin ang mga receiver sa pagpapadala ng pera o upang makakuha ng pribadong impormasyon, tulad ng password.
Kaya patuloy ang panawagan na magkaroon na ng batas sa pagpaparehistro ng mga SIM card sa bansa, lalo na't palaging dead end ang mga imbestigasyon dahil gumagamit ang mga scammers ng prepaid card. Tipong mamumuhunan lang sa kapirasong SIM card, kapag may nabiktima na, sabay tapon. Wala nang bakas ng salarin.
Kailangang maging kabilaan ang pagkilos laban sa mga pasaway na 'to. Ang publiko, mag-iingat na huwag mabiktima habang ang mga awtoridad, bantay-sarado at magpapataw ng matinding parusa sa mga mahuhuli nang hindi na pamarisan.
Katulad ngayong magpa-Pasko na, tiyak todo-kayod ang mga manloloko dahil alam nilang kahit paano ay magkakapera ang mga tao, 'yan ang dapat mapigilan.
Huwag nating hayaan na mapunta lang sa bulsa ng mga manloloko ang perang pinagpaguran natin na para sa pamilya.



Comments