top of page

Mga sakit na posibleng makuha sa pagiging mataba

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 23, 2020
  • 3 min read

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | July 23, 2020




Noong isang araw, front page sa ating pahayagan na ito ang ‘Matataba, mas delikado sa COVID-19’ kaya dali, ngayon pa lang ay mag-awas-awas ka na ng dalawang timba mong taba para mas healthy at malakas ka anumang oras. Hindi lang salamin ang mai-impress sa 'yo dahil babata kang tingnan, kundi ang lahat ng nasa paligid mo. Magugulat ka rin sa pagbabago ng iyong pakiramdam kapag nagawa mo ito.


Kapag pursigido ka na magbawas ng timbang at gumanda ang resulta, ikaw din ang makikinabang sa iyong aanihin sa dakong huli. Napakabuti nang umpisahan kahit sa unang 20% pa lamang ng pagbabawas ng timbang mula sa rekomendado sa 'yo na klase ng pagpapapayat. Ang mabuting gawin upang makaligtas sa masamang karamdaman na madalas maranasan ng matataba ay isipin na ang pagbabawas ng timbang, ani Robert H. Eckel, MD, Chairman ng American Heart Association council of Nutrition, Physical Activity and Metabolism.


Hindi mo naman kailangan na labis na magpapayat para makapagbawas ng timbang. Sabihin na natin na ang average na timbang para sa isang 5’4 na babae ay 160 pounds, pero ikaw ay nasa 180 pounds, ang pagbabawas lamang kahit 18 pounds o 10% ng iyong body weight o bigat ng katawan ay makatutulong upang maiwasan ang anumang seryosong karamdaman.

1. COVID-19. Pandemic na ang sakit na ‘yan. Kung matutunan lang ang tamang ehersisyo para sa baga kontra sa coronavirus ay hindi magbabara ang anumang plema o daluyan ng hangin sa lalamunan. Napakaraming mga eksperto sa YouTube ngayon ang nagtuturo kung paano ang tamang ehersisyo sa baga upang lumakas at lumuwag ang paghinga. Kaya kung hindi ka masyadong mataba ay mas maluwag ang iyong paghinga.

2. DIABETES (TYPE 2). Kung overweight, maaaring hindi magamit ng iyong katawan ang insulin nang mabuti upang maipadala sa selyula ang tamang asukal na kailangan, kaya ang iyong pancreas ay higit na kumikilos nang husto, gayundin ang hormones, subalit hindi ito mananatili nang matagal na panahon na magreresulta sa mataas na antas ng blood sugar. Pinakamabuting magpabawas ng timbang at maiwasan ang malubhang sakit.

3. MATAAS NA KOLESTEROL. Ang matatabang tao at mabibigat ang timbang ay maraming triglycerides, isang uri ng fat molecule. Ang triglycerides at HDL (ang good cholesterol na tinatawag) na siyang sumusugpo ng mga taba sa mga ugat ay nagtatrabaho na parang seesaw o pataas pababa ang kanyang antas. Kapag ang isa ay umangat, ang iba ay bababa. Kaya pinakamainam na magpapayat at ang triglycerides ay tiyak na bababa rin. Panatilihin ang timbang na mababa ng hanggang 8 linggo at ang HDL ay sadyang tataas. Kailangan ng ehersisyo upang ang bad cholesterol (LDL) ay bababa rin.

4. ANG HIGH BLOOD. Sapagkat ang kanilang puso ay kailangan bumomba ng maraming dugo sa mas maluwag na lugar, ang mga overweight adults ay higit na nagkakaroon ng hypertension. Magpapayat ka at magpabawas ng timbang at ang presyon nito ay maaring bumaba nang normal.

5. SAKIT SA PUSO O CARDIOVASCULAR DISEASE. Ikatlo sa heart disease na kaso sa kababaihan o bunga na rin ng katabaan o obesity na delikado rin sa stroke. Ang hypertension, mataas na cholesterol at diabetes ay humahantong sa problema. At habang overweight, lalo na kung ang taba ay naiipon sa baywang ay mapanganib. Ang pagbaba ng 20 pounds ay nangangahulugan ng 30% na mas mababa ang peligro.

6. BREAST CANCER. Ang mga overweight na babae ay may mataas na antas ng estrogen sa kanilang ugat upang magkaroon ng tsansa ng hormone-driven cancer. Ang pagbagsak ng timbang na 5% lamang ay maaring makabawas sa naturang panganib. Ang ibang cancer ay dahil na rin sa katabaan, kabilang ang colon, ovarian, uterine, kidney at cervical.

7. SAKIT SA BATO O GALLSTONES. Ito ay nade-develop kung ikaw ay sumosobra sa produksiyon ng cholesterol na siya namang nagiging dahilan ng iyong pagtaba. Ang bato ay 3 hanggang 6 na beses na common sa mga sobrang taba na babae.

8. MASAKIT ANG MGA KASU-KASUAN AT NIRARAYUMA. Hindi na bago ito, sapagkat ang sobrang timbang o taba ang siyang nakapagpapabigat o nakakapagod sa iyong masels, hugpungan, butu-buto o gulu-gulugod. Magbawas ng timbang at makikita mong makakikilos kang mabuti at hindi ganu'n kasakit ang mararamdaman.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page