top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Mga rookie na aabangan sa NBA 2020-2021 inilabas na

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 20, 2020
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 20, 2020




Sa pagbubukas ng bagong season ng National Basketball Association (NBA) ngayong Disyembre 22, may mga papasok na mga inaabangang rookie na tiyak na pupukaw sa mga damdamin ng mga tagahanga dala ang malaking responsibilidad na iaangat ang koponan patungo sa kampeonato. Pinangungunahan ang mga bagito ngayong taon ni Anthony Edwards, ang numero unong pinili ng Minnesota Timberwolves sa 2020 Rookie Draft na ginanap online noong nakaraang Nobyembre 18.


Si Edwards ay 6’3” na gwardiya galing Georgia Tech. Sa kanyang nag-iisang taon sa kolehiyo, gumawa siya ng 19.1 puntos bawat laro at sinasabing may pangangatawan na handa na para sa banggaan ng NBA sa edad na 19 lamang.


Sumunod na tinawag ang pangalan ni James Wiseman ng Golden State Warriors. Akala ng marami na kukuha ang Warriors ng kapalit ni Klay Thompson na napilay sa bisperas ng draft at hindi maglalaro ngayong taon subalit nagulat noong tinawag ang 7’1” na sentro galing Memphis.


Pangatlo sa listahan si LaMelo Ball ng Charlotte Hornets, kapatid ni Lonzo Ball ng New Orleans Pelicans. Iba ang daan na tinahak ng 6’7” gwardiya patungong NBA at naglaro bilang import sa Lithuania at Australia ng isang taon imbes na mag-aral sa kolehiyo.


Si Patrick Williams ang naging ika-apat na sunod na 19 anyos na tinawag ng Chicago Bulls galing Florida State. Depensa ang aasahan sa 6’8” na forward.


Ang ika-limang pick ay napunta sa Atlanta Hawks, ang 6’8” forward na si Oyeka Okungwu mula University of Southern California at minsan naging kakampi ng magkapatid na Ball noong high school. Tulad ni Williams, depensa rin ang aasahan ng Hawks kay Okungwu.


Si Edwards at lahat ng mga rookie ng 2020-2021 ay papasok ng NBA na kulang ang ensayo bunga ng maikling bakasyon ng liga simula ng pagkorona sa Los Angeles Lakers bilang kampeon noong Agosto. Sa mga susunod na buwan, malalaman kung tama o mali ang desisyon ng mga coach at pamunuan ng koponan na kunin sila.


Kahit maagang itinawag ang pangalan sa draft, hindi ito kasiguraduhan at maaaring may mga nakaligtaan ang mga koponan. Magandang halimbawa ang kasalukuyang MVP na si Giannis Antetokounmpo na pinili ng Miwaukee Bucks na ika-15 noong 2013 at nagtiyaga ng ilang taon bago tuluyang umusbong ang kanyang mahusay na laro.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page