Mga rice retailer, umaaray na rin sa taas-presyo
- BULGAR

- 4 days ago
- 1 min read
by Info @Editorial | October 28, 2025

Dumadaing ang mga rice retailer.
Anila, mahal na ang bagsak ng bigas mula sa mga supplier.
Bago pa man makarating sa palengke, mataas na ang presyo, kaya’t wala nang halos maipantapat na tubo ang mga nagtitinda.
Kapag tinaasan nila ang presyo upang makabawi, umaaray ang mamimili; kapag hindi, sila naman ang lugi. Sa huli, parehong talo ang negosyante at ang karaniwang Pilipino.
Ang bigas, na dating simbolo ng kasaganahan, ngayo’y tila nagiging simbolo ng kahirapan.
Ang bawat pagtaas ng presyo ay dagdag-pasanin sa mga pamilyang namumuhay sa arawang kita.
Ngunit paano nga ba ito maaayos kung ang mismong supplier ay nagbebenta na ng mahal dahil sa mataas na gastusin sa produksyon, kakulangan ng suplay, at pagtaas ng presyo ng krudo at abono?
Dapat kumilos ang gobyerno upang tiyakin na hindi lamang ang mga mamimili ang nabibigyang pansin, kundi pati na rin ang mga retailer na nagsisilbing tulay sa pagitan ng magsasaka at ng merkado.
Kailangang imbestigahan kung bakit tumataas ang presyo mula sa mga supplier, at kung may nananamantala ba sa sitwasyon.
Hindi makatarungan na sa bawat pagtaas ng presyo ng bigas, taumbayan lagi ang talo. Kung tunay na hangad ng pamahalaan ang murang pagkain sa bawat hapag, dapat nitong pagtuunan ng pansin ang ugat ng problema.





Comments