top of page
Search
BULGAR

Mga pulitikong epal sa piyestahan, ‘wag iboto

@Editorial | May 20, 2024



Editorial


Happy fiesta! Kaliwa’t kanan ang mga selebrasyon bagama’t mahirap ang buhay, nagagawan ng paraan na kahit paano ay mairaos ang tradisyon nang masaya at may napagsasaluhan.


Usapang piyesta, siyempre, ito rin ang pagkakataon ng mga epalitiko o epal na pulitiko para makapagparamdam lalo’t may nalalapit na namang halalan.


Nagkalat na naman ang mga naglalakihang tarpaulin na may mga pagmumukha ng mga pulitiko at pati asawa, anak, nakikisabay sa pagpapakilala sa publiko.


Wala namang masama sa pagbati, ang problema, talagang masakit sa paningin ‘yung mas malalaki pa ang mukha ng pulitiko sa mensahe, at sa santong ipinagdiriwang. 


Idagdag pa na sagabal dahil kung saan-saan nakakabit. 


Trapong-trapo ang galawan!


Kaya nga may mga netizens na rin na sa sobrang asiwa sa mga nakikitang ‘basurang pabati’ ay ipino-post na nila sa social media para makita kung gaano kaepal ang ibang pulitiko.


Ang isa pang dapat mapagtuunan ay silang mga nasa puwesto na masipag magpagawa ng tarpaulin, tipong lahat ng announcement, naka-tarp, pero ‘di naman maintindihan ang gustong ipabatid dahil nga halos mukha lang ng opisyal ang makikita. Ang tanong d’yan, saan galing ang perang ginastos na ang naging silbi ay para lang makapagpapansin at ‘di para makapagserbisyo?


Sana ay maging masigasig ang kinauukulan sa isyung ito. Kung may nakikitang paglabag, kumilos agad, ipabaklas sa nagpakabit. 


Huwag sanang masayang ang pondo ng mamamayan sa mga bagay na ang makikinabang ay ang mga kapalmuks na lingkod kuno ng bayan. 


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page