top of page

Mga pulitikong epal sa panahon ng bagyo, out!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 26, 2024
  • 1 min read

by Info @Editorial | Oct. 26, 2024



Editorial

Sa bawat sakuna o bagyo na sumasalanta sa bansa, hindi maiiwasan ang mga mukha ng mga pulitikong nagpapakita ng malasakit sa harap ng kamera — ngunit iba’t iba ang tunay na intensyon. 


Nakakalungkot na ang kalamidad, sa halip na maging pagkakataon para magbigay ng tulong at suporta sa mga biktima, ay ginagamit ng ilang pulitiko para sa pansariling interes at pagpapabango ng pangalan. 


Ang “epal” o makapal na pagpo-promote ng sarili sa panahon ng kalamidad ay nakakadagdag pa sa problema ng lipunan.


Mahalagang gampanan ng publiko ang responsibilidad na ilantad ang mga kandidatong gumagamit ng sakuna para sa personal na kapakinabangan. Gamit ang social media, magagawa nating ipakita ang totoong intensyon ng mga kandidatong ito, upang hindi na nila magamit ang kalamidad bilang plataporma sa kanilang kampanya. 


Ang ganitong pananamantala ay hindi dapat kinukunsinti at kailangang ipaalam sa mga mamamayan kung sino ang tunay na tumutulong at sino ang ginagamit ang kalamidad para sa pansariling agenda.


Sa pagbabantay ng taumbayan, hindi lamang natin napoprotektahan ang mga biktima ng kalamidad mula sa mga mapanlinlang na estratehiya ng ilang pulitiko, naipapakita rin natin sa lahat ang tunay na kahalagahan ng makataong serbisyo. 


Sa darating na eleksyon, tandaan natin ang mga epal sa panahon ng bagyo — ‘wag na silang bigyan ng pagkakataong manalo at manamantala muli. 


Ang tunay na lider ay hindi nangangailangan ng kamera upang tumulong, tumutulong sila dahil ito ay kanilang tungkulin at pananagutan sa bayan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page