Mga pulis, dapat magdoble-kayod kontra kriminal at pasaway online
@Editorial | August 29, 2022
Sa gitna ng mga krimen, tulad ng pagdukot at pagpatay, ipinag-utos ng Philippine National Police (PNP) sa Highway Patrol Group (HPG) na paigtingin pa ang ginagawang operasyon laban sa mga sasakyang walang plaka o nag-i-improvise ng plate number.
Ito ay bilang bahagi pa rin ng kampanya laban sa kriminalidad at mga ulat na mayroon umanong puting van na ginagamit sa kidnapping.
Inilabas ang direktiba kahit na una nang naberipika ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na hindi totoo ang naturang mga alegasyon matapos na umamin ang umano’y biktima na gawa-gawa lamang ang kanyang istorya na sinubukan siyang dukutin ng tatlong armadong lalaki na sakay ng puting van sa Caloocan City.
Bagay na maling-mali at dapat na maturuan ng leksyon. Hindi magandang biro ang pagpapanggap na biktima ng krimen. Kaya dapat mas paigtingin ang cyber patrolling hinggil sa mga kumakalat na videos ngayon ng mga krimen na nagtataglay ng maling impormasyon at nagdudulot ng takot, panic at misinformation sa taumbayan.
Palaging mag-ingat sa mga ipino-post sa social media at iwasan ang pagkakalat ng mga unverified information mula sa hindi kilalang mga mapagkukunan na maaaring humantong sa public disturbance at kalituhan.
Muli, sa kabila ng lahat ng ito ay kinakailangan pa ring mas paigtingin ng pulisya ang operasyon upang matunton at mapigilan ang anumang krimen.



Comments