Mga Pinoy,'wag hayaang magamit sa scam sa abroad
- BULGAR
- Aug 25, 2024
- 1 min read
by Info @Editorial | August 25, 2024

Nakapanlulumo ang ulat na may mga Pilipino pa ring nagiging scammer abroad.
Kaugnay nito, sinisikap na ng pamahalaan na maibalik ang mahigit 70 Pinoy na kabilang sa halos 800 naaresto sa isang cyber scam network sa Laos.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), pinapadali ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang repatriation habang nakatakdang magbigay ng tulong ang DMW sa concerned Filipinos pagdating nila sa bansa.
Kaugnay ng insidente, pinayuhan ang lahat ng nag-a-apply abroad na tiyaking mayroong work visa at kontrata na sinuri ng DMW at nakikilahok sa lisensyadong recruitment agency.
Napag-alaman na ang napasukan ng mga OFW ay may mga casino at hotel na pag-aari umano ng mga Chinese na pinaghihinalaang hub para sa ilegal na aktibidad.
Kaya plis lang, sa ating mga kababayan na gustong makipagsapalaran sa ibang bansa, suriing mabuti ang inaaplayan. Huwag magpasilaw sa alok na malaking suweldo.
Huwag magpabiktima, maging wais.
Panawagan naman sa ating gobyerno, mas tutukan pa ang ganitong problema. Dito pa lang sa bansa ay dapat nang mapigilan ang mga sindikato. Lahat ng sangkot at kasabwat, patawan ng mabigat na parusa.



Comments