top of page

Mga Pinoy, ‘wag bumoto ng magnanakaw kung ayaw malubog sa baha

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 days ago
  • 1 min read

by Info @Editorial | September 9, 2025



Editorial


Tatlong taon. Iyan ang panahon na meron tayong mga Pilipino para pag-isipan at paghandaan ang susunod na halalan. 


Gayunman, habang naghihintay tayo, patuloy na lumalabas ang mga balita ng katiwalian sa gobyerno partikular na sa mga flood control projects na dapat sana’y nagliligtas ng buhay at kabuhayan tuwing may baha. Imbes na maayos na imprastruktura, minsan ay sablay o palpak ang mga proyekto dahil sa korupsiyon at maling pamamalakad.


Ito ang malupit na katotohanan, dahil nasasayang ang pondo ng bayan dahil sa mga lider na inuuna ang sariling bulsa kaysa sa kapakanan ng mamamayan. Kaya hindi kataka-taka na taun-taon, nalulubog pa rin tayo sa baha, hindi lang sa tubig kundi pati sa problema. 


Kung patuloy tayong magbubulag-bulagan at pipili ng mga lider na kilala lang sa kasikatan o matamis na salita, mauulit lang ang parehong pagkakamali.


Tatlong taon ang ibinigay sa atin para maging mas mapanuri. Dapat bantayan natin ang mga nakaupong opisyal, tanungin kung saan napupunta ang pondo, at ‘wag matakot maningil ng pananagutan. 


Ang halalan ay hindi palabas, ito ay desisyon kung sino ang bibigyan natin ng kapangyarihang gumamit ng buwis na pinaghirapan natin.


Kung gusto nating matapos ang katiwalian at umasenso ang bansa, dapat ngayon pa lang matuto na tayong pumili ng matitinong lider. Nasa kamay natin ang kapalaran ng Pilipinas — huwag natin itong sayangin.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page