top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Mga Pinoy, relax lang sa pulitika, ‘wag mag-aaway-away

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 10, 2021
  • 1 min read

@Editorial | November 10, 2021



Painit na nang painit ang Halalan 2022.


Nagsimula nang magbago ng mga plano. Mayroon nang mga nag-aatrasan sa naunang posisyong gustong takbuhan, bagama’t hindi pa batid kung ano ang kanilang magiging sunod na hakbang.


Ang mas nagpapainit sa sitwasyon ay ang publiko, lalo na ang mga babad sa social media. Kani-kanya ng kandidato, paniniwala at ipinaglalaban.


Isa na namang tagpo na pinaghihiwalay ang sambayanan ng mga ‘kulay’. Bagama’t nakalulungkot, ito talaga ang tunay na mukha ng pulitika, nagiging magkakaiba ang tao, grupo at pare-parehong ayaw magpatalo.


Ang mas masaklap, damay pati ang personal na ugnayan.


Ilang magkakapamilya, magkakatropa, magkakapitbahay at magkakatrabaho na ang nag-away dahil sa mga kandidatong sinusuportahan. Ito’y dahil umaabot na sa personalan ang isyu.


Palagi nating sinasabi na puwedeng magtalo, pero huwag mag-aaway. Parang magkasingkahulugan pero, hindi.


Sa pag-aaway, puro emosyon, galit, pambabastos, walang pakikinig at sariling pananaw lang ang gustong manaig.


Pero sa pagtatalo, puwede nating sabihing hindi tayo sang-ayon sa ipinaglalaban ng isang tao, at kahit ganu’n, atin itong nirerespeto. Handa pa rin tayong pakinggan siya para malaman kung ano ang paniniwala niya at sa pamamagitan nito, ganu’n din siya sa atin.


Sa huli, kapag natapos na ang halalan, ‘pag naupo na ang mga kandidato na minsan nating ikinampanya o siniraan, ang tanong, may pamilya, katropa, kapitbahay o katrabaho ka pa bang babalikan o galit-galit na? Sayang naman…


Relax lang tayo, gamitin natin ang talino at prinsipyo sa pagpili ng mga karapat-dapat na lider.


Hindi tayo dapat nag-aaway-away kundi nagtutulungan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page