Mga Pinoy, pikit-mata na lang ba sa non-stop oil price hike?
@Editorial | June 5, 2022
May inaasahan na namang panibagong dagdag-presyo sa petrolyo sa susunod na linggo.
Base sa naitalang oil trading ng isang giant oil industry nitong May 30 hanggang June 3, posibleng umabot sa P6.30 hanggang P6.60 ang dagdag sa presyo sa kada litro ng diesel.
Habang ang presyo sa gasolina ay maaaring tumaas naman ng P2. 50 hanggang P2. 80 kada litro.
Ayon sa kinauukulan, may tatlong dahilan na nakaaapekto sa pagtaas ng presyo.
Una, umpisa ng paglobo ng demand para sa mga bansa sa bahagi ng Northern hemisphere bunsod ng summer peak period mula June hanggang September. Ikalawa, ang Russian oil ban ng European Union.
Ikatlo, ang pagluluwag sa lockdown sa China na siyang dahilan din ng paglobo ng demand sa langis.
Kung ang mga ito ang talagang dahilan ng walang tigil na pagtaas sa presyo ng petrolyo, tila wala talaga tayong magagawa kundi ang pikit-matang tanggapin ang sitwasyon.
Gayunman, umaasa tayo sa ating gobyerno lalo na sa bagong administrasyon na masasaklolohan ang mga grabe at direktang naaapektuhan ng oil price hike.
Sana ay may alternatibong paraan kung paano masasabayan ang ganitong problema.
Sa tulong ng mahuhusay na miyembro ng economic team, umaasa tayo na kaya nating maging mas matatag at nagpapatuloy sa pagbangon.



Comments