top of page
Search
  • BULGAR

Mga Pinoy, ‘di dapat mapag-iwanan sa edukasyon

@Editorial | June 26, 2022


Habang papalapit ang inaasahang full face-to-face classes, usapin pa rin ang K to 12 program. Ito ba ay dapat nang alisin o ayusin?


Marami umanong guro ang suportado ang panawagang busisiin ang K-12 program para ganap na matugunan ang mga problema rito.


Kaugnay nito, maghahain muli ng isang resolution sa 19th Congress na hihikayat sa House of Representatives na magsagawa ng pagsisiyasat partikular na sa ilang nakitang problema sa implementasyon ng programa.


Napapanahon na para pagtuunan ng pansin ang matagal nang mga suliranin sa edukasyon na higit na nakita ngayong pandemya.


Hinikayat din ang susunod na Education Secretary at VP-elect na si Sara Duterte-Carpio na pakinggan ang hinaing ng publiko. Sana ay makita niya ang katotohanan at ang epekto ng sinasabing mababang pondo, pasahod at iba pang kakulangan sa edukasyon.


Batid naman natin na hindi lang mga pasilidad at kagamitan ang kulang kundi maging ang suporta sa sapat na sahod at benepisyo para sa mga guro at non-teaching personnel na pangunahing apektado sa kalidad ng edukasyon sa bansa.


Ang K-12 ay programa na inaasahang magpapataas ng antas ng basic education curriculum at paraan upang hindi tayo mapag-iwanan sa edukasyon. At sana ay ito ang tunay na nangyayari.


Kaya sang-ayon tayo na busisiin ang K-12, tukuyin ang mga problema at paunlarin ang kabuuan ng programa.


Kailangan nating makahabol at mapanatili ang kahusayan na malaking ambag sa kaunlaran ng ating bayan lalo na sa panahong ito.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page