Mga Pinoy, aminadong paglabag sa health protocol ang dahilan ng pagkalat ng COVID-19
@Editorial | May 30 2021
Naniniwala ang mayorya ng mga Pinoy na ‘health protocol violators’ ang dahilan ng pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Ito ay base sa resulta ng pinakahuling survey ng Social Weather Survey (SWS), kung saan 79 porsiyento sa ating mga kababayan ang nagsabing ang mga pasaway o ‘yung lumalabag sa pang-kalusugang alituntunin kontra COVID-19 ang dahilan ng paglala ng kaso ng nakamamamatay na virus.
Kabilang sa madalas nalalabag na health protocols ay ang mali o hindi pagsusuot ng facemask at face shield, at physical distancing.
Nakailang ulit man nagbago ang paghihigpit sa mga quarantine protocols sa iba’t ibang lugar, aminin natin na ang kilos ng mga tao ay tila hindi naman apektado.
Marami man ang sumusunod, pero hindi nawawala ang mga pasaway.
Batid natin na ginagawa ng gobyerno ang kanilang makakaya para sa tuluyang pagtatapos ng pandemya, kaya’t maunawaan sana ng mamamayan na mas epektibo ang pagtugon kung nakikipagtulungan tayo sa pagtupad ng mga ito.
Alam natin ang problema at may maiaambag tayo mapagtagumpayan ito. ‘Wag na dumagdag pa sa mga pasaway, mas oks na makibahagi sa solusyon.



Comments