Mga Pinoy abroad, mas aktibo na ngayon sa halalan, ayos!
@Editorial | April 22, 2022
Kumpara sa mga nakaraang halalan, inaasahang mas maraming Pinoy sa abroad ang boboto ngayong Eleksyon 2022.
Sa Hong Kong, nasa 30% ng mga Pilipino ang bumoto na, habang ang ibang mga bansa ay nag-ulat ng 20%, mula noong Abril 10, ang unang araw ng pagboto sa ibang bansa.
Sa ngayon, para sa early time period of voting, naabot na ang target na mahigit 30 percent.
Napag-alaman na sa mga nakaraang eleksyon, nasa 20% o mas kaunti lamang ang naging overseas voter turnout.
Batay sa datos ng Commission on Elections (Comelec), mayroong 1,697,215 overseas Filipinos ang nakarehistro para sa 2022 elections. Sa bilang na ito, 786,997 ay mula sa Middle East at African na mga bansa, 450,282 mula sa Asia Pacific, 306,445 mula sa North at Latin America, at 153,491 mula sa Europe.
Masasabing nakatulong ang bagong concept ng poll body na “vote anywhere” at field voting. Sa “vote anywhere” concept, puwedeong bumoto ang Pinoy sa ibang bansa kahit hindi siya roon nakapagparehistro. Samantalang sa field voting, pupuntahan naman ng consul o embassy staff ang Pinoy para makaboto.
Maaaring bumoto ang mga Pinoy sa abroad hanggang sa mismong araw ng botohan sa Pilipinas sa Mayo 9, 2022. Puwede silang bumoto sa posisyon ng presidente, bise presidente, 12 senador at isang partylist group.
Nakakatuwa na mas marami ang nagtiwala sa halalan, kaya ingatan natin ang kanilang boto. Malayo man sila, batid natin na lagi silang kaisa sa paghahangad na maging mas maunlad ang Pilipinas at laging umaasa na sa pamamagitan ng pagpili ng mga karapat-dapat na lider at kinatawan ng bayan ay mangyayari ito.



Comments