Mga pensyonadong dapat mag-comply sa ACOP program ng SSS
- BULGAR

- Apr 27, 2025
- 3 min read
by Info @Buti na lang may SSS | Apr. 27, 2025

Dear SSS,
Magandang araw SSS! Nais ko lang itanong kung ang lola ko ba ay dapat pang mag-comply sa ACOP. Pensioner siya ng SSS simula pa noong 2017. Salamat. — Bernard
Mabuting araw sa iyo Bernard,
Para sagutin ang katanungan mo, dapat muna nating alamin kung anong uri ng pensioner ang lola mo. Siya ba ay retirement, survivor o total disability pensioner? Kasalukuyan ba siyang nasa abroad o nandito sa Pilipinas?
Nais naming ipaalam sa iyo, Bernard, na kinakailangang magpasa ng compliance sa ACOP ng mga sumusunod batay sa SSS Circular No. 2023-013:
Retirement pensioners na naninirahan sa Pilipinas na edad 80 pataas;
Retirement pensioners na naninirahan sa abroad;
Total disability pensioners;
Survivor pensioners; at
Dependents under guardianship
Samantala, ang mga retirement pensioner na naninirahan dito sa Pilipinas na wala pang 80 years old ay exempted dito.
Kung ang lola mo ay kabilang sa aking mga nabanggit na kailangang mag-comply, kailangan niyang tumugon dito sa ACOP.
Kailan ba siya dapat mag-comply? Kung siya ay retirement pensioner na naninirahan sa abroad o total disability pensioner, kailangan niya itong gawin kada taon sa kanyang birth month; kung siya naman ay survivor pensioner, sa birth month ng kanyang yumaong asawa o miyembro ng SSS; pero kung siya naman ay dependent o guardian, dapat niya itong gawin sa birth month ng pensioner o ng yumaong member, alinman ang applicable dito.
Paano naman niya gagawin ang nabanggit na compliance? Madali lamang iyan. Una, kinakailangan lamang ipasa ng pensioner o dependent with guardian ang required documents sa alinmang SSS branch o foreign office, o OFW-Contact Services Section sa pamamagitan ng e-mail, mail, o courier.
Para sa mga pensioner na nasa abroad maliban sa total disability pensioners, maaari rin silang mag-request ng video conference sa SSS sa pamamagitan ng pagpapadala ng request for schedule sa e-mail address na ofw.relations@sss.gov.ph.
Para naman sa total disability pensioners na naninirahan sa Pilipinas, maaari rin silang mag-request ng home visit o conduct of domiciliary medical service sa SSS.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa ACOP compliance, maaari mong bisitahin ang SSS website, www.sss.gov.ph, upang basahin ang detalye ukol sa nasabing program na nakasaad sa revised guidelines nito (SSS Circular 2023-013), https://www.sss.gov.ph/sss/DownloadContent?fileName=CI2023-013.pdf.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.





Comments