Mga pasaway na residente, tserman damay!
@Editorial | May 28, 2021
Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapakulong sa mga dadalo sa mass gathering o pagtitipon.
Kaugnay nito, una umanong aarestuhin ang barangay chairman.
Ayon sa Pangulo, maghahanap siya ng batas na maaaring maging sandigan ng mga awtoridad sa gagawin nilang pag-aresto at pagpapakulong sa mga dadalo sa mga pagtitipon.
Aniya, maituturing na krimen ang pagpasa o paghawa ng 2019 coronavirus sa ibang tao.
Napuna ng Pangulo na may mga kababayan na sadyang matitigas ang ulo.
Nakadidismaya talaga na tila dinededma na ang mga health protocols laban sa COVID-19. Tila hindi na natatakot sa banta ng nakamamatay na sakit.
Halos sunud-sunod ang mga nabuking na party at outing na ang resulta, marami ang nagpopositibo sa COVID-19. Viral din sa social media ang video ng mga kabataan na nagkalat sa lansangan. At sa mga insidenteng ito, ang unang tanong, “Nasaan si Kap?”
Paanong nakalulusot ang mga ganitong paglabag na lantaran pang makikita online.
Kung patulug-tulog sa pansitan ang mga kapitan, mas mabuting mag-resign na lang. Pero, kung makapal-kapal ang mukha, hintayin na lang ang banta ng Pangulo na kayo’y maaresto.
Sa mga nakalilimot, bilang punong barangay, kasama sa inyong responsibilidad na matiyak na ligtas ang bawat pamilya sa inyo ng nasasakupan.
Unang-una, dapat maging mabuting ehemplo, kung nakikita nilang kayo mismo ay sumusunod sa batas, magiging madali rin sa kanila na sumunod. Hindi ‘yung kung sino ang tagapagpatupad ng batas, sila pa ang pasimuno sa paglabag.
May mga kapitan din d’yan na kampanya lang nakita at buong termino ay wala nang paramdam. Napatutunayan ito ngayong may pandemya, halos ayaw lumabas ng bahay, takot na takot. Meron namang lumalabas nga puro naman pabida, walang malinaw na direksiyon, walang kakayahan sa pagharap sa mga problema.
Kaya sa mga nangangarap na maging kapitan ng barangay, pag-isipan n’yo munang maigi kung kaya n’yo ba talagang maging lider o baka matulad lang din kayo sa iba na mga inutil at pasaway din.



Comments