top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Mga palpak na pulitiko, humanda na sa resbak ng taumbayan sa 2022

BULGAR
May 23, 2021
2 min read

@Editorial | May 23, 2021


Ilang kembot na lang ‘ika nga, eh, magpapalit na ng mga mukha sa gobyerno.


Nagsisimula nang maging aktibo ang mamamayan para sa pagpili kung sino ang mga karapat-dapat manatili, masipa at malagay sa puwesto.


Batay sa tala ng Commission on Elections (Comelec), nasa kabuuang 3,483,298 na ang mga nakapagparehistro para sa 2022 elections. Kung saan, 83% ng nasabing bilang ang natanggap na aplikasyon sa gitna ng COVID-19 pandemic — mula Enero 20, 2020 hanggang Mayo 15, 2021.


Lumabas sa datos na 2,904,347 ang naihain sa pagitan ng Setyembre 2020 hanggang Mayo 2021, habang 578,951 naman mula Enero hanggang Marso 2020.


Para sa mga hindi pa nakapagpaparehistro, puwede pa hanggang Setyembre 30, 2021.

Masasabing ito ang pinakamagandang pagkakataon para makita kung sino ang mga dapat na maging lider o kinatawan ng sambayan sa pamahalaan.


Sa mahigit isang taong pakikipaglaban sa COVID-19, tiyak na nakilala na natin ang mga inutil, palpak at epal na opisyal. Magagaling lang pagdating ng kampanya, pero nang tumama ang pandemya, ang hihirap nang hanapin, takot na takot ma-virus. ‘Yung iba, nasobrahan naman sa pabida, kung hindi puro salita, puro naman pagmumukha ang ibinabalandra sa mga tulong kuno, eh, gusto lang mamalimos ng boto. Lumabas din ang katotohanan na hindi lahat ng nakapuwesto ay may ‘K’. May iba na hindi talaga alam ang responsibilidad at walang ideya sa pagiging tunay na public servant, ang resulta, nganga sa pandemya, pati nasasakupan damay.


Kaya sana, maging mas maingat at mas matalino pa sa pagpili ng mga susunod na lider ng bayan. Nakita naman natin kung gaano kahalaga ang buhay na sa isang iglap ay puwedeng malagay sa alanganin, kaya piliin ang mga totoong may malasakit na makakatuwang sa pagharap ng sambayanan sa anumang hamon o pagsubok na darating.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page