top of page

Mga pagbabagong dapat gawin ng pisces na atat umunlad ang buhay

  • BULGAR
  • Jul 13, 2022
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 13, 2022


Dear Maestro,


Alam ko na may mga nagawa akong pagkakamali na matagal ko nang pinagsisihan, ngunit hindi ko na maibabalik pa ang panahon. Minsan ay hinihila na ako ng sobrang lungkot at nakakapag-isip ng hindi maganda. Pero may takot pa naman ako sa Diyos, kaya naiiwasan kong gawin ang mga bagay na hindi dapat gawin.


Gusto ko nang mag-asawa, subalit mailap ang kapalaran. Ginusto ko ring makapagtrabaho sa ibang bansa, pero bigo pa rin ako. Ipinanganak ba akong talunan? Simple lang naman ang gusto ko at ‘yun ay maging masaya ang buhay, magkaroon ng trabaho, makapag-asawa at magkaroon ng sariling pamilya.


Pero bakit tila ipinagkakait ito sa akin ng tadhana? Sana ay mabigyan n’yo rin ako ng pampasuwerte para magbago ang buhay ko. March 15, 1989 ang aking birthday.


Umaasa,

Sydney ng Santa Ines, San Miguel, Bulacan


Dear Sydney,


Mahirap suwertehin ang mga Pisces dahil malikot ang isip nila at wala namang katumbas na kongkretong pagkilos. Ibig sabihin, puro pangarap at isip lang sila, kulang naman sa kilos o gawa.


Samantala, hindi mo ba napansin ang iyong pirma na may bilog na sa gitna, may bilog pa sa ibaba at may bilog pa sa tuktok? Alam mo ba ang ibig sabihin ng mga bilog na nabanggit? Magulo at puro problema ang laman ng isipan mo sa kasalukuyan, kaya ito rin ang dahilan kaya ang karanasan mo ay tila hinahatak ng pangit na nakaraan.


Pero hindi pa naman huli ang lahat dahil sa edad mong 33, sa totoo lang, maganda ka at sadyang napakabata mo pa. Kumbaga sa isang paglalakbay, malayo pa ang mararating mo, basta ang unang hakbang ay ayusin mo muna ang iyong pirma.


Paano mo naman ito maaayos o mapapaganda? Alisin mo ang nasabing mga bilog, isulat mo nang maayos ang pangalan mo at siguraduhing may magandang bilog na buntot ang dulong bahagi ng letrang “y” na small letter, at saka mo idugtong ang iyong apelyido na malinaw at nababasa ang mga letra at salita. Tapusin mo ang iyong lagda sa straight line. Sa ganyang pirma, simple, pero malinaw ang pagkakasulat at nababasa, magbabago ang iyong buhay, kung saan magkakaroon ka ng mga achievements, magkakatrabaho, magkaka-boyfriend at sa bandang huli, tuluyan ka nang makakapag-asawa at magkaaroon ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.


Bukod sa pagbabago ng lagda, ang dapat mong gawin, ayon na rin sa birthday mong March 15, 1989, ay dapat mong pairalin ang pagsusuot ng suwerte mong mga kulay tulad ng pula, dilaw at berde. Gayundin, magiging mapalad ka kung magsusuot ka ng gold na alahas na pinalamutian ng batong bloodstone o kahit ano’ng uri ng bato na may kulay berde o pula. Ang nasabing alahas ang magsisilbing panghigop ng suwerte at magandang kapalaran.


Samantala, para suwertehin ang mga taong may zodiac sign na Pisces, dahil sila ay nagtataglay ng water element, dapat magdispley ng aquarium sa kanilang silid o sala ng bahay. Kapag wala kang magawa, pagmasdan mo lang ang mga naglalarong isda at ang kumbinasyon ay maaaring walong itim na isda at isang pulang isda o vice-versa. Sa ganyang pandispley, lalo na kung ikaw ang nag-aalaga at araw-araw mong nakikita ang mga ito, magbabago ang dating mapusyaw mong awra dahil unti-unti itong lilinaw at sasagap ng mas maraming positibo at magagandang kapalaran.


Gayundin, makipagkaibigan ka sa mga indibidwal na magdadala sa iyo ng suwerte. Sila ang mga taong isinilang sa mga petsang 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, 9, 18, 27, 6, 15, 24, 8, 17 at 26, higit lalo kung sila ay may mga zodiac sign na Virgo, Cancer, Scorpio, Aries, Sagittarius at kapwa mo Pisces.


Habang ang the best namang panahon upang isagawa ang iyong mga plano at pangarap sa buhay ay mula sa ika-19 ng Pebrero hanggang ika-25 ng Marso, mula sa ika-19 ng Hunyo hanggang sa ika-25 ng Hulyo at mula sa ika-19 ng Oktubre hanggang sa ika-27 ng Nobyembre.


Sa sandaling nagawa mo ang mga simpleng rekomendasyon, tiyak ang magaganap sa taong 2023 at sa edad mong 34 pataas, magbabago na ang iyong kapalaran— magkakaroon ka na ng trabaho, boyfriend, makakapag-asawa at hanggang makaranas ka ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page