Mga pagamutan at health workers, dapat handa sa fireworks-related injuries
ni Ryan Sison @Boses | December 20, 2022
Sa nalalapit na pagdiriwang ng Bagong Taon, ilalagay sa high alert status ang lahat ng pagamutan sa bansa.
Ito ay bilang paghahanda ng Department of Health (DOH) para sa mga posibleng hindi inaasahang sakuna, bilang bahagi na rin ng kanilang “Iwas Paputok” campaign.
Ayon sa DOH, mahigpit nilang binabantayan ang lahat ng pagamutan sa iba’t ibang panig ng bansa upang matiyak ang kahandaan nito, partikular sa mga fireworks-related injuries at iba pang emergency na posibleng maganap.
Kaugnay nito, nakatakdang bisitahin ng mga opisyal ng DOH ang ilang pagamutan sa Disyembre 29, kabilang ang Las Piñas Trauma Center, Jose Reyes Memorial Medical Center, East Avenue Medical Center, at Amang Rodriguez Medical Center.
Samantala, sa kabila ng mga paghahandang isinasagawa ng kagawaran, patuloy pa rin ang panawagan ng DOH sa publiko na iwasan ang pagbili at paggamit ng mga paputok at sa halip ay manood na lamang ng mga professionally prepared at organized na fireworks display.
Gayundin, umapela ang kagawaran sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor na suportahan ang kanilang kampanya kontra paggamit ng paputok upang mabawasan na rin ang bilang ng mga naitatalang fireworks-related injuries at deaths sa bansa.
Gaya ng palagi nating sinasabi, wala tayong ibang gusto kundi ang maipagdiwang at salubungin ang Bagong Taon nang payapa at ligtas.
Isa sa mga hakbang upang magawa ito ay iwasang magpasaway at maging bahagi ng kampanya ng kagawaran para makaiwas sa sakuna.
Gayunman, magandang balita na nakaalerto ang mga pagamutan dahil bagama’t hindi maiiwasan ang ilang insidente tuwing sinasalubong ang Bagong Taon, mahalaga na may nakaantabay na tulong-medikal.
Umaasa tayo na nakahanda ang pamahalaan at lahat ng pagamutan, gayundin ang health workers. Habang sa kabilang banda, hangad natin ang kooperasyon ng taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments