top of page

Mga ospital, dapat alerto, ihanda ang dengue fast lanes

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 24, 2025
  • 2 min read

by Info @Editorial | Feb. 24, 2025



Editorial

Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng dengue sa iba’t ibang bahagi ng bansa. 

Base sa datos ng Department of Health (DOH), mula Enero 1 hanggang Pebrero 15, nakapagtala na ng kabuuang 43,732 dengue cases, tumaas ito ng 56% mula sa mga kasong naitala noong parehong panahon sa nakalipas na taon.


Kung hindi maaagapan ang sitwasyon, may panganib na magdulot pa ito ng mas maraming sakit at pagkamatay sa mga susunod na buwan. Sa pamamagitan ng mga simpleng hakbang tulad ng paglilinis ng mga stagnant na tubig, pag-iwas sa mga kagat ng lamok at paggamit ng mga proteksyon, kahit paano ay may laban sa dengue.


Gayunman, ang ating mga komunidad ay nahaharap sa mga hamon ng hindi sapat na kamalayan at malasakit sa mga hakbang na ito. Kadalasan, sa mga lugar na may kakulangan sa edukasyon at mga pasilidad pangkalusugan, ang mga tao ay hindi nakakakita ng kahalagahan ng mga simpleng hakbang upang mapigilan ang pagdami ng mga lamok.


Kaya mahalaga ang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagtugon sa problema. Kailangang mas paigtingin ang public awareness at kolektibong aksyon.

Kasabay nito, dapat ding maging handa ang mga pagamutan.


Sa ngayon, ipinag-utos na ng DOH sa lahat ng ospital ng gobyerno at health facilities ang pag-reactivate sa dengue fast lanes sa gitna ng patuloy na pagsipa ng mga dinadapuan ng sakit. Ito ay para matiyak na rin ang mabilis na triage, pag-diagnose at paggamot sa mga hinihinalang kaso ng dengue.


Kailangang magampanan ng bawat isa ang mga responsibilidad tungo sa ligtas na komunidad at mas doblehin pa ang pag-iingat laban sa dengue at iba pang mga sakit. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page