Mga non-APOR na maghahatid-sundo, ‘wag nang pagala-gala
@Editorial | August 06, 2021
Umani ng negatibong reaksiyon ang naunang pahayag ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na bawal maghatid-sundo ang non-authorized persons outside of residence (APOR).
Katwiran ng publiko, mas safe nga naman na ang maghahatid o magsusundo sa mga health workers at iba pang essential workers ay mismong kasama rin sa bahay. Kumbaga, hindi na kailangang makipagsapalaran sa pampublikong sasakyan.
Hanggang sa kumambiyo ang PNP kahapon at sinabing papayagan na rin ang mga non-APOR na lumabas para maghatid-sundo.
Kaugnay nito, para makadaan sa Quarantine Control Points (QCP) ang mga non-APOR drivers, kailangang magprisinta ng certificate of employment ng kanilang susunduing essential worker.
Dapat nakalagay din sa certificate ang pangalan ng driver, modelo at plate number ng sasakyan, at contact number ng employer.
Kailangan ding may kopya ng business permit ng employer na maipakita ang driver.
Kung health workers naman ang susunduin, una nang sinabi na ID lang ng health worker ang kailangang ipakita ng mga non-APOR na drayber.
Pagkatapos maghatid o magsundo, diretso na sa bahay at ‘wag nang gumala kung saan-saan.
At sa pagsisimula ng enhanced community quarantine (ECQ) ngayong araw, umaasa tayong nasa loob na ng bahay ang mga pasaway.
Huwag nang makipaghabulan at taguan sa mga barangay tanod at pulis. Hindi tayo naglalaro, matindi ang banta ng COVID-19. Marami na ang namatay at nagsakripisyo para mapigilan ang paglala ng pandemya.



Comments