Mga naniwala noon na yayaman na kay P-BBM, ngayon sumisigaw na lalong naghirap!
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 3, 2023
MGA NANIWALANG YAYAMAN NA SILA KAPAG NAGING PRESIDENTE SI BBM, SILA IYONG MGA NAGSABING LUMALA KAHIRAPAN NILA SA BUHAY SA PANAHON NG MARCOS ADMIN -- Sa latest survey na inilabas ng SWS ay 30% ng maralitang pamilyang Pinoy ang nagsabi na mas lumala ang naranasan nilang hirap sa pamumuhay sa nakalipas na isang taon.
Kapag sinabing “sa nakalipas na isang taon”, ang ibig sabihin n’yan ay sa panahong ito ng panunungkulan ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM).
Sa totoo lang, itong mga kababayan nating mga mahihirap na nagsabing mas lumala ang kahirapan nila sa buhay, ay sila rin iyong mga bumoto kay P-BBM dahil naniwala sila sa mga Marcos loyalists na “nagma-marites” noon na yayaman na sila kapag naging presidente si BBM. Naniwala sila sa mga “marites” na bibigyan sila ng Marcos administration ng tig-isa umanong bara ng Tallano gold, magiging libre na ang konsumo sa kuryente at tubig, at may cash na monthly food allowance pa, at huli na nila napagtanto, ngayong nakakaranas na sila ng matinding kahirapan sa buhay, na ang lahat ng narinig nila mula sa mga “marites” sa panahon ng 2022 presidential election, ay fake news lang pala, boom!
◘◘◘
KALIMUTAN NA NI HARRY ROQUE, PANGARAP NIYANG MAGING SENADOR DAHIL SUNTOK SA BUWAN NA MAGIGING MEMBER SIYA NG SENADO SA 2028 ELECTION -- Nagdeklara na si former presidential spokesman Harry Roque na sa 2028 election daw ay kakandidato uli siya sa pagkasenador.
Tutal, napakatagal pa naman ng 2028 election, kaya sana alisin na ni Roque sa kanyang isipan ang kagustuhan niyang maging senador kasi malabo siyang manalo, na ika nga, suntok sa buwan ang pangarap niyang maging miyembro ng Senado, period!
◘◘◘
SMNI NAMUMURONG MATANGGALAN NG PRANGKISA AT IPA-SHUTDOWN NG KONGRESO -- Sabi ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, napakarami raw ng violations ang SMNI network na pag-aari ng sekta ni Pastor Apollo Quiboloy, at kabilang daw sa mga violation ay fake news at red-tagging.
Sa tema ng salita ni Cong. Pimentel ay namumurong tanggalan ng prangkisa at ipa-shutdown ng Kongreso ang SMNI network, boom!
◘◘◘
NOON LAHAT NG MEDIA ORGANIZATION, NAKASUPORTA SA ABS-CBN, AT NGAYON KAHIT ISANG MEDIA ORGANIZATION WALANG SUMUPORTA SA SMNI NETWORK -- Noong kinainitan ng Kongreso ang ABS-CBN, lahat ng international, national at local media organization ay nagpakita ng suporta sa Kapamilya network, pero ngayong SMNI network naman ang nasasalang sa imbestigasyon ng Kongreso, kahit isang media organization ay wala umanong sumuporta rito.
Sa totoo lang, wala talagang media organization ang magpapakita ng malasakit sa SMNI dahil ito iyong uri ng network na madalas daw magbalita ng fake news at nangre-red-tagged pa, period!





Comments