Mga mapagsamantalang negosyante, bantayan sa taas-presyo
@Editorial | March 10, 2022
Tuluyan nang sumirit ang panibagong bigtime taas-presyo sa petrolyo.
Babala ng kinauukulan, hindi pa ito ang huli dahil sa susunod na linggo ay may inaasahan pang pagtaas na posibleng umabot sa sampung piso kada litro, naku po!!!
Gayunman, sa kabila ng non-stop oil price hike, tiniyak naman ng gobyerno na wala pang paggalaw sa singil sa pasahe at sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), tatlong buwan pa maaaring gumalaw ang presyo ng mga bilihin at singil sa serbisyo.
Bagama't may mga ulat na nagsarili na ng taas-pasahe ang ilang tsuper at may ilang paninda na rin ang nagmahal.
Kaya ang panawagan ngayon sa mamamayan ay bantayan ang posibleng ilegal na pagtataas ng presyo kasama na rin ang hoarding o pag-iimbak ng mga produkto ng mga abusadong negosyante. Istayl nila na magtago ng mga produkto at saka ilalabas 'pag mataas na ang presyuhan.
Kaya agad silang isumbong sa DTI at sa Department of Agriculture (DA) para mapanagot sa RA 7581 o ang Price Act na nagpapataw ng multa at iba pang parusa sa mga magmamanipula ng presyo ng mga bilihin.
Pare-pareho tayong apektado ng mga taas-presyo, dapat lang na maging parehas sa laban, huwag mapagsamantala, 'wag abusado!



Comments