top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mga manggagawa, umaaray na non-stop oil price hike

BULGAR
Mar 18, 2022
1 min read

@Editorial | March 18, 2022


Sa gitna pa rin ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo na sinusundan ng mga bilihin at serbisyo, kaliwa’t naman ang panawagan sa gobyerno ng tulong at konkretong solusyon.


Bilang tugon, una nang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P200 buwanang ayuda para sa bawat pamilyang mahihirap, bagay na umani naman ng iba’t ibang reaksyon.


Kasabay nito, humirit din ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng P24 bilyong budget para pang-ayuda sa mahigit isang milyong manggagawa na lubhang naaapektuhan ng walang humpay na taas-presyo ng langis.


Ang naturang panukala ng wage subsidy ay mapakikinabangan umano ng mga manggagawang mula sa pribadong sektor sa loob ng tatlong buwan, mula Abril hanggang Hunyo.


Ito naman ay bilang pagtugon ng kagawaran sa panawagan ng labor sector na itaas pa ang minimum wage ng mga manggagawa sa gitna ng non-stop oil price hike bunsod pa rin sa nangyayaring sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine.


Malaking tulong ang anumang ayuda na maibibigay subalit, mas mainam pa rin na magkaroon ng konkreto at pangmatagalang solusyon. Marami nang naiisip na alternatibong sistema sa ganitong sitwasyon, ang kailangan na lang ay mapagtibay ang mga ito at walang ibang oras para gawin ang pasya kundi ngayon.


Nakakabilib na nagsisimula na ito sa marami nating kababayan. Natutunan na kung paano mag-adjust at dumiskarte sa hirap ng buhay, sadyang umaabot lang talaga sa sagad na at kailangan nang humingi ng saklolo.


Taglay naman ng mga Pinoy ang mga katangian para maka-survive, pero alalahanin din natin ang iba na gustuhin man nila, hirap talaga.


Kaya kailangan pa rin ang paggabay at pagtugon ng gobyerno.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page