Mga magulang, tulungang maunawaan ang pagbabakuna sa mga paslit
@Editorial | February 08, 2022
Umarangkada na kahapon ang pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga batang may edad 5 hanggang 11.
Sa Metro Manila nagsimula ang pagbabakuna sa naturang age group, bago palawigin sa ibang lugar sa susunod na linggo.
Napag-alamang umaabot sa 500,000 mula sa naturang age group ang nakapagparehistro na.
Prayoridad ang pagbabakuna sa mga batang may comorbidity pero kailangan muna ng mga ito na magkaroon ng medical certificate mula sa kanilang mga doktor.
Bago turukan, sasailalim din muna ang mga bata sa assessment.
Kani-kanyang gimik din ang mga local government units sa pagbabakuna.
May vaccination sites na ginawang mala-carnival ang tema, may namigay din ng mga kendi at tsokolate, para umano mas lalong mahikayat ang mga bata na magpaturok.
Ayon sa kinauukulan, mas malaki ang benepisyo ng pagbabakuna kaysa sa mga risk, lalo na’t dalawang taon nang hindi nakalalabas ang mga bata bunsod ng pandemya.
Nauna na ring sinabi na hindi “mandatory” o hindi sapilitan ang pagbabakuna sa mga bata. Kailangan pa rin ang pagpayag ng mga magulang bago turukan ang anak.
Napakahalagang maipaunawa muna sa mga magulang ang halaga ng bakuna.
Mas mainam kung tanggap nila ang bakuna dahil alam nilang kailangan ito at hindi dahil napipilitan lamang.
Wala naman tayong ibang hinahangad, kundi ang kaligtasan ng bawat isa lalo na ng ating mga anak. Mahaba-habang panahon na ang kinuha ng pandemya mula sa kanila, dapat na silang maging malaya, masayang naglalaro at ini-enjoy ang buhay.



Comments