top of page
Search
  • BULGAR

Mga lupa ng gobyerno, gamitin na kesa nakatiwangwang

@Editorial | September 13, 2022


Isa sa mga pangarap ng pamilyang Pinoy ay ang magkaroon ng sariling bahay at lupa.

Ang problema, tila pahirap nang pahirap ang pag-abot dito.


Mahal ang lupa, ganundin ang materyales sa pagpapagawa ng bahay. Kung makakuha man ng hulugan, nakapagretiro ka na't lahat sa trabaho, nagbabayad ka pa rin.


At habang ganito ang sitwasyon sa pagmamay-ari ng bahay at lupa, may mga lote naman na pagmamay-ari ng gobyerno na nakatiwangwang, hindi nagagamit.


Kaya naman, inihihirit sa Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) na tignan ang mga 'idle' o nakatiwangwang at hindi nagagamit na lote ng gobyerno bilang posibleng pagtayuan ng socialized housing project.


Iminungkahi rin na mapabilang sa mga prayoridad bilang beneficiaries ang mga frontliners, tulad ng mga public healthcare workers.


Napag-alamang ang panukalang budget ng DHSUD para sa fiscal year 2023 ay P4.029 bilyon. Sa ilalim ng nasabing budget, nasa 500,000 residential units ang planong maipagawa sa National Capital Region at ang balanse sa kabuuang 1 million housing units ay ilalagay sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.


At target umano na makapagpagawa ng isang milyong housing units kada taon.


Malaking bagay kung matututukan ang mga lote ng gobyerno na hindi ginagamit, na posibleng project site para sa ‘high-rise’ housing, lalo na kung itatayo sa Metro Manila o sa lalawigan kung saan may hanapbuhay pa rin at maayos na serbisyo ng tubig at kuryente.


Panahon na para mapakinabangan ang mga lupa na matagal na panahon nang nasasayang.


Tuparin na natin ang pangarap ng bawat pamilya na posible naman kung gugustuhin at kung may pag-alalay lang sana ng gobyerno.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page