Mga kumakapit sa online lending, magdoble-ingat
- BULGAR
- Feb 12, 2023
- 1 min read
@Editorial | Pebrero 12, 2023
Sa hirap ng buhay, marami na ang kumakapit sa utang.
Ito na ang inaasahan mula nang mag-lockdown at magtigil-trabaho dahil sa COVID-19.
Hanggang sa unti-unting nakabalik sa hanapbuhay, pero sumunod namang nagtaasan ang presyo ng mga pangunahing bilihin at singil sa serbisyo.
Ubos ang ipon at wala na ring kakilala na mauutangan dahil lahat nga ay apektado ng krisis. Ang naging takbuhan, mga nagsulputang online lending o mga pautang na iniaalok sa pamamagitan ng social media at sa application.
Kaugnay nito, nagbabala ang Securities and Exchange Commission (SEC) na magdoble-ingat sa mga hindi rehistradong lending apps na namamahiya, nambabastos at nagbabanta pa sa mga hindi agad makabayad ng utang. At may mga insidente na nga ng ganitong mga pang-aabuso.
Ang pangungutang na inakalang tulong ay lalo pa lang magbabaon.
Kaya dapat na mag-ingat, huwag padalus-dalos sa pangungutang. Sakaling wala na talagang ibang paraan kundi ang mangutang online, piliin ang legal at tuparin ang napagkasunduan.
Panawagan naman sa kinauukulan, bantayang mabuti ang mga lending app o company na ito laban sa anumang uri ng pananamantala. Kung may mahuhuli, ilantad at patawan ng matinding parusa.
Walang karapatan ang sinuman na gamitin ang anumang sitwasyon para makapanlamang ng kapwa.



Comments