Mga kriminal, walang pinipiling sasakyan, period!
@Editorial | December 18, 2021
Kapansin-pansing karamihan sa mga inilalatag na checkpoints, pawang mga nakamotorsiklo lamang ang hinaharang.
Kaya may panawagan ang isang grupo kaugnay nito. Hiling nila na matigil na ang umano’y hindi makatarungang ‘motorcycle-only’ checkpoints na isinasagawa ng kapulisan.
Hindi lamang riders ang nagtatanong, kung bakit ganito ang sistema pagdating sa mga checkpoints?
Tila umano ipinamumukha na ang mga gumagawa ng krimen ay ang mga naka-motorsiklo lamang. Sa kabila ito ng mga krimen na kinasasangkutan din ng mga naka-four-wheel.
Kumbaga, walang pinipiling sasakyan ang mga kriminal.
Sa palagay natin, ang madalas na pagkakasangkot ng mga riding-in-tandem ang isa sa mga rason.
Naglipana na naman ang mga holdaper at killer na naka-motor, na sinasabing pinakamabilis na magagamit para makatakas.
Marahil ang nais lang ipabatid ng mga pumapalag sa ‘motorcycle-only’ checkpoint ay ang tila sa kanila na lang nakatuon ang mga pulis.
Alalahanin nating napakalaki ng tulong ng mga riders, lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Sila ang naging katuwang natin para maging ligtas mula sa COVID-19. Maraming samahan ng mga nagmo-motor ang nagboluntaryo na tagabili ng mga pangunahing pangangailangan ng pamilyang naka-lockdown. Maaasahan din sila ‘pag may emergency sa komunidad.
Kaya sana, magawan ng paraan ng mga awtoridad na mapakinggan ang kanilang hinaing.



Comments