Mga kriminal, 'wag papormahin, lalo na ngayong Kapaskuhan
@Editorial | September 2, 2022
Kasabay ng pagpasok ng 'ber' months, nagbabala na ang kapulisan sa pagdami ng kriminal.
Kaugnay nito, magpapakalat ang Philippine National Police (PNP) ng karagdagang personnel sa mga shopping malls at iba pang public places partikular na sa mga crime-prone areas.
Magde-deploy ng mobile forces at miyembro ng elite force, ang Special Action Force (SAF).
Inatasan din ang mga district directors para makipag-ugnayan sa mga barangay officials para tukuyin ang mga lugar na dapat paigtingin pa ang presensya ng kapulisan.
Bagama't bumaba ang index crimes sa mga unang araw ng panunungkulan ng administrasyong Marcos, hindi tayo dapat makampante at magpabaya.
Nasa paligid lang ang mga masasamang-loob na mas lalo pang pinagrabe ng ilegal na droga.
Kaya ang paalala, bantayan natin ang isa't isa. Mga magulang, palaging alamin kung nasaan ang mga anak, kung sino ang mga madalas kasama at tayo namang mga anak, huwag pasaway.
Makiisa tayo sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan. Ito na ang pinakamagandang ambag sa lipunan, ang hindi magpasaway.
At kung may mga namamataang banta sa ating kaligtasan, agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad.
Tayo-tayo rin ang magtutulungan at bubuo sa isang masaya, mapayapa at masaganang pamayanan.



Comments