Mga korup, makonsensya at magkaroon na sana ng puso!
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
by Info @Editorial | February 14, 2026

Tuwing Araw ng mga Puso, kaliwa’t kanan ang bulaklak, chocolates, at matatamis na salita. Pero habang abala ang marami sa pagdiriwang ng pag-ibig, milyun-milyong Pilipino naman ang patuloy na niloloko at pinapabayaan ng mismong mga taong dapat nagmamalasakit sa kanila.
Magpakatotoo tayo, ang korupsiyon ay malinaw na kawalan ng puso.
Habang ang ordinaryong mamamayan ay kumakayod nang marangal, may mga opisyal na kumakamkam ng pondo — pera para sa ospital, edukasyon, ayuda, at imprastruktura. Bawat pisong ninanakaw ay direktang bawas sa gamot ng maysakit, sa pagkain ng nagugutom, at sa kinabukasan ng kabataan. Ito ay pagtataksil sa bayan.
Nakakainsulto na tuwing may anomalya, puro palusot ang naririnig. Walang umaamin. Walang tunay na nananagot. Samantalang ang mga mahihirap, isang maliit na pagkakamali lang, agad na pinaparusahan. Nasaan ang hustisya? Nasaan ang konsensya?
Kung totoong may puso ang mga nasa kapangyarihan, hindi nila matitiis ang sitwasyon ng mga pampublikong ospital na kulang sa kagamitan, ng mga paaralang siksikan at kapos sa libro, at ng mga pamilyang isang kahig, isang tuka. Pero tila mas malakas ang tibok ng kasakiman kaysa sa tibok ng malasakit.
Ang Araw ng mga Puso ay dapat ding maging araw ng paniningil. Paniningil ng taumbayan sa mga lider na walang ginawa kundi magpayaman habang ang bayan ay nalulugmok sa hirap. Hindi bulaklak ang kailangan ng Pilipinas kundi integridad. Hindi chocolate kundi tunay na serbisyo.
Kung hindi kayang magkaroon ng puso ng mga nasa puwesto, dapat silang palitan ng may tunay na malasakit.
Sa panahong ito ng pag-ibig, malinaw ang hamon: Makonsensya naman kayo at maawa sa bayan. Kung hindi n'yo kayang mahalin ang Pilipinas, huwag n'yo itong pagnakawan.






Comments