top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mga korup ang nagpapalala sa sitwasyon ng bansa, period!

BULGAR
Apr 5, 2022
2 min read

@Editorial | April 5, 2022


Lagi nating naririnig ang mga katagang, “bulok ang sistema kaya naghihirap ang bansa.”

Pero, hindi kaya ang mga nasa likod ng sistema ang higit na nagpapalala sa sitwasyon?


Sang-ayon tayo na ang tao at ang sistema ay magkaugnay at kapwa naghahatid ng kagaanan at kabigatan sa nararanasan ng bayan.


Maraming batas, programa, proyekto at institusyon at maayos naman ang mga inilalatag ng sistema pero ‘pag ipatutupad na ng mga namamahala, parang nagiging sablay na.


Nangyayari na ang mga aberya, nabubulgar ang mga anomalya at lumalabas na pinasok na ng korupsiyon.


Kaya malaking hamon sa mga susunod na lider at kinatawan ang pagsasaayos sa sistema at pagtutuwid sa mga nasa loob nito. Bagama’t lahat naman tayo ay dapat na maging responsable.


Hindi naman tatakbo ang bansa kung wala ang taumbayan. Nasa publiko pa rin ang kapangyarihan sa pagpili ng mga iluluklok na opisyal.


Sa tagal na natin sa sinasabi nilang ‘bulok na sistema’, panahon na para mabago ito.

Unang-una ang paglilinis sa hanay ng mga pulitiko. ‘Yung mga may bahid ng korupsiyon, huwag nang iboto. Kung sila rin ang mapupuwesto, magpapatuloy lang ang kahirapan at mas lalo pang lalala.


Hindi rin puwede ang basta bago sa paningin, dapat ‘yung handang humarap sa totoong mukha ng gobyerno at may kakayahan na lumaban sa tukso.


Sa totoo lang, matagal na sanang namayagpag ang Pilipinas kung hindi lumala ang korupsiyon. Masyado nang nakontrol ng mga abusado ang sistema at maging ang mga namamahala. Sila ang batas, sa kanila nagsisimula at natatapos ang pagpapayaman habang patuloy namang dumarami ang naghihirap.


Nakapanlulumo pero ito ang katotohanan, wala na sa gobyerno ang tunay na sistema, ito ay hawak at pinatatakbo na ng mga mayayaman, makapangyarihan at walang konsensya. Pero hindi pa naman huli ang lahat, ‘ika nga, habang may buhay, may pag-asa. Ang tanong, kanino?


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page