Mga kasong dapat nang pagpasyahan, tapusin na
- BULGAR
- Apr 23, 2023
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 23, 2023
Dalawang libo dalawang daan at apat na pu’t limang araw (2,245) nang nakakulong si dating Senadora Leila De Lima. Sa loob ng mahigit anim taong pagkakakulong, mula ika-24 ng Pebrero 2017 hanggang noong Sabado, ika-22 ng Abril 2023, pabalik-balik na sa mga korte si De Lima upang harapin ang mga hindi kapani-paniwalang pagdidiin sa kanya bilang isang opisyal na nakikinabang sa kalakalan ng droga sa ating bansa.
Sa mga nagdaang buwan at taon, halos lahat ng mga tumestigo laban sa Senadora ay nag-urong na ng kanilang mga reklamo laban dito. Kaya kung walang ebidensya, walang kaso at dapat nang ibasura at ipawalang-sala ang inosenteng dating Senadora.
At ganito na ang naabot na estado ng halos lahat ng mga kaso ni dating Senadora De Lima. Noong nakaraang Lunes sa Regional Trial Court Branch 204 ng Muntinlupa, nagpasya na ang korte sa Case No. 17-165 ng dating Senadora na tapos na ang mga hearing sa kaso at ilalabas na sa ika-12 ng Mayo 2023 ang desisyon hinggil sa pag-atras ng ebidensya na iniharap ng testigong si Rafael Ragos sa korte.
Ngunit, sa kabila ng desisyon ng korte na magbigay na ng desisyon hinggil sa pagtestigo ni Ragos na pinilit lang siyang magbigay ng hindi totoong pahayag laban sa dating Senadora, sa kasunod na araw ay naglabas ng bagong testigo na magdidiin muli sa dating Senadora.
Ayon sa prosekusyon, handang magbigay ng bagong ebidensya si Atty. Demiteer Huerta, ang pinuno ng Administrative Service Office ng Public Attorney. Mahigpit na tinutulan ito ng abogado ng depensa na si Atty. Teddy Esteban Rigoroso.
Bakit biglang magbibigay sila ng bagong ebidensya at bagong testigo, samantalang kasa-kasama na nila sa mga hearing ang testigong si Atty. Demiteer Huerta? Apat na hearing sa loob ng apat na araw nang buong umaga ang narinig ng depensa at prosekusyon.
Pigang-piga na ang kaso ni De Lima ng Muntinlupa Regional Trial Court 204. Malinaw na naabot na ang katapusan ng paglilitis at nabigyan na ng sapat na pagkakataong kapwa maiharap ng depensa at prosekusyon ang kani-kanilang mga argumento laban o panig sa dating Senadora.
Malinaw na susubukan na naman ng prosekusyon na pahabain pa ang paglilitis ng isang kaso laban kay dating Senadora. Napakalinaw nang nangyayari ang “justice delayed, justice denied” o hustisyang pinatagal, hustisyang pinagkait. Walang kagabog-gabog na napag-isip-isip ng prosekusyon na wala na silang maibigay na anumang bagong ebidensiya, subalit kakailanganin nilang magpresinta ng bagong testigo at ebidensya para patagalin pa ang kasong wala nang pupuntahan.
Kayang-kaya patagalin ng mga batikang abogado at hurado kahit na ang mga kasong dapat nang pagpasyahan at tapusin. Ilang kaso at mga preso ang tumanda sa mga piitan dahil wala pa ring desisyong nararating ang korteng humahawak sa kanilang mga kaso.
Ngunit, napakalaking pagkakasala na ito kung ang ginigipit at pinahihirapan ay inosente o walang kasalanan. Sa nagdaan at kasalukuyang administrasyon, si dating Senadora Leila De Lima ang pinaka-inabuso at aping biktima ng kawalan ng hustisya.
Malinaw na malinaw sa marami na dapat nang itigil ang paglilitis at mabilis nang palayain ang inosenteng Senadora. Sobra na ang pagpapahirap, sobra na ang kawalan ng hustisya. Hindi lang ito simpleng “political harassment.” Malinaw at garapalang pag-abuso na ito ng kapangyarihang dapat ginagamit sa pagtanggol sa inosente at pagtulong sa mga pilit na “harassment” o pananakot lamang.
Kailangang malaman ng lahat, lalo na ng mga kabataan ang inhustisya at pag-abuso ng kapangyarihan ng mga namumuno.
Sino o sinu-sino kaya ang patuloy na nagdidiin at nagkakalat ng negatibong balita at pananaw laban kay Senadora Leila De Lima?
Sa mahigit anim na taon ng pagtitiis ng buhay-kulungan ni Senadora Leila De Lima, naghirap at patuloy pang handang maghirap ang mahal nating Senadora. Sa mahabang panahong iginugol sa kulungan, lumalalim at tumatag pa ang pananampalataya, paninindigan at katapangan ng ginigipit at tinatakot na Senadora.





Comments