Mga bagets dagsa na sa mall, parang wala nang pandemic
@Editorial | November 8, 2021
Talagang ramdam at kitang-kita ang kasabikan ng mga bagets at matatanda na makalabas at makapamasyal.
Kasunod ng pagbaba sa Alert Level 2 sa Metro Manila, pami-pamilya na ang dumagsa sa mga pasyalan at mall. Napalitan ng tuwa ang takot sa COVID-19. May mga magulang na halos hindi na rin napigilan ang mga anak na makisalamuha sa ibang bata, lalo na sa mga mall kung saan bukas na ang mga palaruan.
Kaugnay nito, kinumpirma naman ng pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na sa ilalim ng COVID-19 Alert Level 2, pinapayagan na ang mga menor-de-edad at senior citizen na sumakay ng public transportation.
Wala nang age restrictions sa interzonal at intrazonal travel batay sa rules ng Inter-Agency Task Force Against COVID-19. Nagkaroon lang umano ng miscommunication sa IACT (Inter-Agency Council for Traffic). Kaya magiging mas madali na ang pagbiyahe at pagpunta sa iba’t ibang lugar.
Ang inaalala lang ng mga awtoridad, baka tuluyang makalimot ang lahat sa banta ng COVID.
Sa ilalaim ng Alert Level 2, may mga protocols na dapat pa ring sundin.
Kaya ang paalala sa mga magulang, kahit ang simpleng pagsusuot ng facemask, paghuhugas ng kamay at pagdistansiya ay laging ituro at ipaalala sa mga bata.
At higit sa lahat, hinay-hinay lang sa paggala. Huwag feeling wala nang pandemic.



Comments