Mga kandidatong gagamit ng ‘deep fakes’, lagot!
- BULGAR
- Nov 7, 2021
- 1 min read
@Editorial | November 7, 2021
Habang papalapit ang Halalan 2022, mas lalo namang umiinit ang mga ganap sa pulitika at mga kandidato.
Kani-kanya na ng diskarte kung paano makakakuha ng boto.
Sa ngayon, bagama’t lumuluwag na ang sitwasyon sa gitna ng pandemya, may mga limitasyon pa rin na dapat ipatupad at sundin.
Kaya nga ‘yung iba, mas nakatuon na lang muna sa social media. Pinag-aaralan kung paano ito magagamit.
Kaugnay nito, may babala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato na gagamit ng tinatawag na “deep fakes” sa kanilang pangangampanya.
Ang deep fakes ay mga videos na in-edit o hinati-hati at pinagtagpi-tagpi para palabasin na ang isang personalidad ay may sinasabi o ginagawa taliwas sa totoong sinabi o ginagawa nito.
Kabilang umano ang deep fakes sa mga sections na nakasaad sa certificates of candidacy na pinirmahan ng mga nagnanais na tumakbo sa eleksyon.
Napag-alamang sa ngayon, mas tinatangkilik na ng netizens ang YouTube kaysa Facebook. Mas marami umanong ‘content’ ang nakukuha sa YouTube na ikinakalat din sa ibang social media.
Kaya isasama na ang prohibition sa micro targeting sa ginagawang guidelines para sa kung paano dapat gamitin ng mga kandidato ang social media.
Paalala rin sa mga mahilig manood sa YouTube, huwag basta nagpapaniwala. Hindi lahat ng ina-upload ay totoo. Huwag nating hayaang mauto at magamit ng mga pasaway na pulitiko o kandidato.
Suriin muna nating maigi ang video, i-check sa mga balita kung totoo ba ang content o ginagamit lang sa pamumulitika.



Comments