Mga kahulugan ng pumutok ang Taal at may mga hayop habang lumilikas
- BULGAR
- Aug 1, 2022
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 1, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Ronnie ng Batangas.
Dear Maestra,
Nakatira ako sa Batangas at malapit sa Taal Volcano ang bahay namin, kaya palagi akong kinakabahan kapag umuusok ang bulkan. Nais kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko dahil masyado itong nakakatakot at muntik na akong bangungutin.
Napanaginipan ko na nakarinig ako ng malakas na pagsabog. Nang dumungaw ako sa bintana, nakita ko na pumutok ang bulkan kung saan malapit lang sa bahay namin.
Nagmamadali kaming lumikas ng pamilya ko, tapos maraming hayop sa daan na nagtatakbuhan kasabay namin. May mga aso, baka at kalabaw. Takot na takot ako.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Ronnie
Sa iyo, Ronnie,
Hindi magandang senyales ang panaginip na nakita mong pumutok ang bulkan kung saan malapit ang iyong tirahan. Ito ay nagpapahiwatig na may binabalak kang gawin laban sa iyong kaaway. Malalaman at matutunugan ito ng kaaway mo bago pa mangyari ang binabalak mo. Kapahamakan ang sasapitin mo, kaya dapat kang mag-ingat sa lahat ng sandali.
Ang nagmamadali kayong lumikas ng pamilya mo ay nangangahulugan na madadawit ka sa malaking gulo, pero malulusutan mo ito. Ang pagputok ng bulkan ay nangangahulugan din na mawawalan ka ng mga importanteng ari-arian. Kasunod nito ay malaking pagbabago ang magaganap sa buhay mo.
Samantala, ang mga hayop na nakasabay n’yong lumikas ay nangangahulugang daranas ka ng mga pagtitiis sa buhay kung saan dapat kang magtrabaho nang mabuti at magpasan ng hirap bago mo makamit ang iyong mga pangarap.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments