Mga kahulugan ng diamond
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Pebrero 3, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Oliver ng Laguna.
Dear Maestra,
Tagasubaybay ako ng inyong kolum dahil hanga ako sa interpretasyon n’yo ng mga panaginip na isinasangguni sa inyo. Madalas akong managinip ng diamond, tapos may nagsasabi na mayrong treasure sa likod-bahay namin.
Napanaginipan ko na nakahukay ako ng diamond sa likod-bahay namin. Kinabukasan, napanaginipan ko naman na may nagbigay sa akin ng singsing na lantay na diamond ang mga bato.
Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip ko?
Naghihintay,
Oliver
Sa iyo, Oliver,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nakahukay ka ng diamond sa likod-bahay n’yo ay babala na masasangkot ka sa gulo at maaaring hindi mo maiwasan ito. Gayunman, ibayong pag-iingat ang dapat mong gawin at lumayo ka sa mga kaibigan na sa iyong palagay ay hindi mapagkakatiwalaan.
Samantala, ang ibig sabihin ng may nagbigay sa iyo ng singsing na lantay na diamond ang mga bato ay may magtatangkang pabagsakin ka. May naiinggit sa iyo at sisirain niya ang reputasyon mo. Dahil dito, talasan mo ang iyong pakiramdam at maging alerto ka sa lahat ng sandali.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments