top of page

Mga hakbang para mapababa ang presyo ng bilihin, bilisan!

  • BULGAR
  • Jan 21, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 21, 2023


Sa pagpasok ng Taong 2023, patuloy na iniinda ng publiko ang mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.


Giit ng mga konsyumer, halos lingguhan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, bagay na lalong nagpapahirap sa marami nating mga kababayan.


Dahil dito, pinagpaplanuhan ng Department of Trade and Industry (DTI), kasama ang iba pang concerned government agencies ang pagbalangkas ng rekomendasyon na tutugon sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin sa Pilipinas.


Ito ay matapos ang naging pagpupulong ng DTI kasama ang Department of Agriculture (DA), kung saan tinalakay ang nararanasang mataas na presyo ng itlog at kakulangan ng sibuyas.


Gayunman, nilinaw ng DTI na ang hirit na taas-presyo ng mga manufacturer ng tinapay ay hindi dahil sa mataas na presyo ng itlog kundi dahil sa mataas na halaga ng harina noong nakalipas na taon.


Kasalukuyan umanong tinatalakay ngayon ng mga kinauukulan ang mga tulong na maaaring maihatid ng gobyerno sa mga manufacturer ng tinapay na apektado ng nasabing krisis.


Matatandaang unang inamin ng isang opisyal ng DTI na ilang manufacturers ng mga pangunahing bilihin ang humihirit nang hanggang 20% price adjustments sa SRP. Ngunit binigyang-diin ng ahensya na lilimitahan sa 10% ang pahihintulutang taas-presyo sa mga pangunahing produkto.


Sa totoo lang, napakalaking hamon ng mataas na presyo ng bilihin para sa marami nating mga kababayan. ‘Yung tipong, kahit mga pangunahing pangangailangan ay hirap pang makabili dahil kahit ano’ng pagba-budget ang gawin ay kapos pa rin.


Kaya naman pakiusap sa mga kinauukulan, bilisan ang paggawa ng mga hakbang para matugunan ang problema sa presyo ng mga bilihin.


At tulad ng matagal nang panawagan ng taumbayan, gawing abot-kaya ang mga presyo ng bilihin. Ito ang dapat iprayoridad ng pamahalaan sa lalong madaling panahon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page