Mga gamot na exempted sa VAT, bantayan
- BULGAR

- Dec 1, 2024
- 1 min read
by Info @Editorial | Dec. 1, 2024

Nasa 17 pang gamot ang nadagdag sa listahan ng mga produktong pangkalusugan na exempted sa value-added tax (VAT) at magiging abot-kaya na para sa mga Pinoy.
Ayon sa Food and Drug Administration, sa ilalim ng FDA Advisory No. 2024-1618, inendorso sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang exemption mula sa 12-percent VAT para sa walong gamot sa diabetes, apat na gamot para sa cancer at tatlong gamot para sa mental illness.
Sa ilalim ng patakaran ng BIR, ang huling VAT exemption ay nagkabisa noong Nobyembre 25 nang isapubliko ng FDA ang updated list. Ito na ang ikaanim na beses ngayong taon na nag-update ang FDA ng listahan ng VAT-exempted medicines.
Sa ilalim ng batas, ang FDA ay dapat magbigay ng updated list 30 araw bago ang pagsisimula ng kada kwarter.
Kaugnay nito, tiniyak ng ahensya na babantayan nila ang update sa mga gamot na VAT exempted. Layunin umano ng joint administrative order na bantayan ang mga umaabuso rito kung kaya’t mayroon silang delisting na ginagawa kung saan kapag hindi nakapag-comply ang mga manufacturer, tatanggalin ang VAT exemption sa mga gamot na isinama nila sa CREATE MORE Act.
Nawa’y maramdaman ng lahat na ang abot-kayang gamot ay isang karapatan at hindi isang pribilehiyo.
Ang kalusugan ay isang pundasyon ng kaunlaran at hindi dapat maging hadlang sa pagpapabuti ng buhay ng bawat isa.
Sa pagtutulungan ng lahat ng sektor sa lipunan, magkakaroon tayo ng pagkakataon na mapabuti ang sistema ng kalusugan sa bansa, at matutugunan ang pangangailangan ng bawat mamamayan na magsisilbing gabay sa isang mas malusog at mas matagumpay na komunidad.






Comments