Mga estudyante, ilayo sa lahat ng uri ng pang-aabuso
@Editorial | September 10, 2022
Ang eskwelahan ang itinuturing na ikalawang tahanan, kaya panatag ang mga magulang na ligtas ang mga anak kasama ang mga guro na tinatayo namang magulang.
Hanggang sa may mga insidente na ng pang-aabuso. Hindi lang sa pananalita kundi maging sa pisikal at sekswal.
Kamakailan nang may mapaulat na ilang titser na sangkot sa sexual abuse. May nag-aalok sa mga estudyante na maging karelasyon, gumawa ng kalaswaan at iba pang maling gawain. Sa pamamagitan ng social media, nagkaroon ng boses ang mga estudyante na mabulgar ang pang-aabuso.
Tiniyak naman ng mga awtoridad ang 'Zero-tolerance' policy sa anumang uri ng pang-aabuso.
Kailangang mapanagot ang mga sangkot sa anumang uri ng pang-aabuso sa mga estudyante.
Hindi lang para maturuan sila ng leksyon kundi para magsilbi itong babala sa mga nagbabalak na gumawa ng masama.
Napakataas ng tingin at paghanga sa ating mga guro, huwag naman sanang dungisan ng iilan na walang konsensya.
Ang mga abusadong guro ay walang lugar sa paaralan, hindi kayo karapat-dapat na makasama lalo na tularan ng kabataan. Huwag ninyong bahiran ng kalaswaan ang paaralan na humuhubog sa kaisipan ng mga bata.
Sa atin namang mga estudyante, maging maingat at huwag matakot na magsumbong kapag may kakaiba tayong nararamdaman lalo na kung tayo'y inaabuso na sa anumang paraan.



Comments