Mga estudyante, guro at magulang, good job sa distance learning
@Editorial | July 13, 2021
Sa kabila ng mga pagbabago, aberya at reklamo, nanindigan ang Department of Education (DepEd) na hindi nasayang ang nakalipas na school year 2020-2021.
Ito’y sa kabila ng alternatibong pamamaraan na distance learning, sa pamamagitan ng online class at modules.
Hindi maikakaila na talagang napakahirap ng nagdaang academic year para sa mga guro at estudyante, gayundin sa mga magulang o guardian, dahil nananatili pa rin ang COVID-19 pandemic.
Grabe ang adjustment at talagang halos lahat ay nangangapa sa bagong sa sistema.
Kinailangan ng mas matinding pasensiya at pang-unawa para maitawid ang edukasyon mula sa paaralan patungo sa bahay.
Halos araw-araw ay may mga eksenang bago at talagang susubukin ang kakayahan at diskarte ng bawat isa para makapaturo at matuto.
Kaya dapat lang na pasalamatan ang mga nagtodo-effort sa buong school year.
Ang mga nagsikap para matapos ang taon na may mga natutunan pa rin ang mga estudyante sa kabila ng pandemya.
Ang mga magulang na umalalay sa kanilang mga anak para sa hindi nakasanayang sistema ng pag-aaral at siyempre ang mga titser na hindi pinabayaan ang mga mag-aaral.
Sa darating na panibagong school year, umaasa tayo na mas makakasabay na sa bagong sistema. Ang mga problema noon, mas madali nang masosolb ngayon.
Lahat naman ay sa umpisa lang mahirap, ‘pag ating pinagtuunan, unti-unti ring dadali hanggang sa tuluyan nang makasanayan.
Muli, magpasalamat tayo sa lahat ng kabahagi nitong nagpapatuloy na edukasyon sa gitna ng pandemya na minsan ay sinasabayan pa ng ibang problema. Dagdag-kayod at pasensiya, alang-alang sa mga “pag-asa ng bayan”.



Comments