Mga epalitiko, out sa graduation!
@Editorial | March 13, 2022
Kasabay ng pagpapahintulot sa pagsasagawa ng face-to-face graduation march at ceremony, mahigpit namang ipagbabawal ang pamumulitika.
Ayon sa Department of Education (DepEd), dapat sundin ang DepEd Order No. 48 s. of 2018 o ang pagbabawal sa Electioneering at Partisan Political Activity.
Ang End-of-School-Year rites ay isinasagawa sa isang solemn at dignified na pamamaraan kaya hindi dapat gamitin bilang political forum.
Kailangang maging malaya ito mula sa mga pamumulitika.
Kaya ang paalala ng DepEd sa mga paaralan, tiyakin na ang guest speaker ay dapat ituon ang kanilang mensahe sa temang itinakda ngayong taon na tinawag na “K to 12 Graduates: Pursuing Dreams and Fostering Resilience in the Face of Adversity”.
Huwag hayaang magamit ng mga 'epalitiko' (epal na pulitiko) ang graduation para sa kanilang kampanya.
Ang iharap natin sa mga mag-aaral ay ang mga natatangi at huwaran. Silang mga magsisilbing inspirasyon ng mga kabataan.
Masyado nang maingay ang pulitika sa panahon ngayon, 'ika nga, hindi na healthy.
Kailangan na nating ipaunawa sa mga bagong henerasyon ang mas mataas na antas ng pulitika at ang pagiging isang responsableng mamamayan at maaaring susunod na kinatawan na bayan.



Comments