top of page
Search
  • BULGAR

Mga empleyado, miyembro ng PhilHealth, dapat magpalit ng password para iwas-scam

ni Ryan Sison @Boses | October 06, 2023


Upang hindi mabiktima ng mga panloloko at potensyal na scammer, hinimok ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mga empleyado at miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na baguhin ang kanilang mga password sa kanilang mga online account.


Ito ang naging pahayag ni DICT Undersecretary Jefferson Dy, matapos na pasukin ng ransomware attack ang PhilHealth kamakailan, at nagbabala na maaaring target na ng mga hacker ang mga indibidwal kung saan ang naturang data ay na-compromise.


Ayon pa kay Dy, siguraduhin lang na ang mga password ay hindi nauugnay o associated sa kanilang personal information at kung empleyado naman ng PhilHealth, payo nitong palitan ang kanilang ATM pins.


Sinabi rin ng opisyal na huwag i-click ang isang link na sa tingin nila ay hindi mapagkakatiwalaan.


Matatandaan na noong Setyembre 22, nadale ang PhilHealth ng Medusa ransomware attack, na nagdulot ng temporary shutdown ng mga online system ng ahensya.


Naiulat din na nagbanta umano ang mga hacker na ire-release ang data na ninakaw mula sa database nito sakaling mabigo ang ahensya na magbayad sa kanila ng $300,000 o humigit-kumulang P17 milyon na ransom.


Ngunit, iginiit ng PhilHealth na hindi nila babayaran ang naturang halaga.


Makalipas ang isang linggo, noong Setyembre 29, inanunsyo ng PhilHealth na ang kanilang corporate website, member portal, at e-claims ay accessible na ng publiko matapos ang shutdown.


Inamin naman ng state insurer na ang luma o outdated na cybersecurity system nito ay nagbigay-daan sa mga hacker na makakuha ng access.


Binigyang-diin din ng PhilHealth na ang pag-atake ng ransomware laban sa kanilang server ay hindi nakompromiso ang database ng mga miyembro nito, subalit naapektuhan ang application server at mga workstation ng mga empleyado ng ahensya.


Pahayag pa ni Dy na habang ang mga hacker ay hindi naglalabas ng impormasyon sa publiko, binigyan nila ang DICT ng 40-minute video na nagpapakita ng impormasyong ninakaw mula sa compromised database.


Marahil, dapat na magpalit talaga ng password ang lahat ng miyembro at maging ang mga empleyado ng PhilHealth para matiyak na hindi mapapasok ang kanilang mga account ng mga scammer.


Alalahanin natin na mga wais ang mga scammer at kaya nilang mang-hack ng ating mga account anumang oras na gustuhin nila.


Kailangan natin ng dobleng ingat laban sa mga 24/7 na mga kawatan para maging safe ang ating mga pinagpaguran at pinag-ipunang pera.


Pakiusap lang natin sa kinauukulan, mas paigtingin pa ang pagtugis sa mga scammer at nang maparusahan dahil pahirap lang ang mga ‘yan sa lipunan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page