Mga drayber at pasahero, ‘wag pasaway
@Editorial | November 5, 2021
Umarangkada na kahapon ang dagdag-kapasidad at wala nang barrier sa mga pampublikong sasakyan. Kumusta naman kaya?
Ayon sa mga awtoridad, maraming bus at jeep ang nasita dahil sa paglabag sa 70 percent seating capacity rule.
Imbes na tiketan, binigyan muna ng babala ng Inter-Agency Council for Traffic (i-ACT) ang mga nahuling sobra sa pasahero.
May jeep na nasita dahil may nakaupo pang pasahero sa gitna.
Sa 70% capacity sa mga jeep, hindi dapat magkakadikit ang balikat ng mga pasahero, mayroon pa ring espasyo.
Samantala, sa isang aircon bus naman, bagaman hindi nakitang puno, sinita naman ito dahil sa isinakay na batang pasahero.
Bagama’t pinapayagan nang ilabas ang mga bata para sa essential na gawain sa ilalim ng Alert Level 3, wala pang inilalabas na partikular na panuntunan sa pagsakay nila sa mga PUVs.
Sa ngayon, pinakamadalas umano nilang mapansin na lumalabag sa overloading ay ang mga bus. Katwiran umano ng ilang konduktor, hindi na nila nababantayan ang pagpasok ng mga pasahero.
Ang mga ganitong senaryo ang iniiwasan nating mangyari. ‘Pag sinabing ganito lang ang bilang ng puwedeng isakay, sundi natin. Hindi naman ito para sa kapakanan ng kung sino lang, kundi para sa lahat.
Sa mga unang araw ay warning lang, huwag na nating hinatayin na mahuli at pagmultahin, bawas kita na naman ‘yan.
Pakiusap naman sa mga pasahero, tayo mismo ay matutong sumunod sa patakaran.
Huwag nang magpilit kung bawal.
Higit sa lahat, palaging magbaon ng maraming pasensiya dahil kasabay ng pag-iingat sa COVID-19 ay ang mga limitasyon at pagkaantala.



Comments