- BULGAR
Mga dapat iwasan tuwing Chinese Ghost Month, alamin!
ni Mharose Almirañez | July 14, 2022

Gugunitain ng mga Tsinoy ang “Chinese Ghost Month” ngayong ika-29 ng Hulyo hanggang Agosto 26. Ito ay isang tradisyon taun-taon, kung kailan bumubukas ang impiyerno at gumagala ang masasamang espiritu sa loob ng isang buwan.
Take note, beshie, hindi ito tungkol sa ghosting issue nina Bea Alonzo at Gerald Anderson kundi literal na Ghost Month, kung saan involved ang mga kaibigan nating Intsik.
Bilang karagdagang impormasyon, narito ang mga dapat iwasang gawin habang umiiral ang Chinese Ghost Month:
1. HUWAG MAGSUOT NG ITIM AT PULANG DAMIT. Sa paniniwala ng mga Intsik, nakakamalas ang ganitong kulay ng damit sa kasagsagan ng Ghost Month dahil anila, mas lapitin ng mga espiritu at mapaglalaruan sila. Hangga’t maaari ay magsuot ng light-colored apparel habang hindi pa tapos ang pagdiriwang.
2. HUWAG PULUTIN ANG MAKIKITANG PERA. Anila, ‘yun ay alay o pantaboy sa masasamang espiritu, kaya huwag na huwag mong pupulutin ang mga makikita mong pera o barya sa kalsada. Ginagawa umano nila ito upang ma-appease ang mga kaluluwa at lubayan ang kanilang mga tirahan.
3. HUWAG SISIPOL TUWING GABI. Pinaniniwalaan din nila na ang pagsipol tuwing gabi ay isang gawi ng pang-aakit sa mga kaluluwa. Kaya dapat iwasan ang pagsipol sa gabi upang hindi lapitan at pagluruan ng masasamang espiritu.
4. HUWAG MAG-PICTURE SA GABI. ‘Yung tipong, dalawa lang kayo nag-picture tapos pagkakita mo sa screen ay may white lady na photo bomber. Sila ‘yung mga mapaglarong kaluluwa na hindi nakikita ng ating mga mata, pero nahahagip ng ibang device. So, beshie, awat muna sa pagse-selfie tuwing gabi simula July 29 hanggang August 26. Okie?
5. HUWAG MAGSISIMULA NG BUSINESS. Anila, patapusin muna ang Ghost Month bago magtayo ng bagong negosyo upang maging maganda ang pasok ng pera at tuluy-tuloy ang paglago ng negosyo.
6. HUWAG MUNA LUMIPAT NG BAHAY. Katulad ng pagsisimula ng business, dapat ay palipasin muna ang Ghost Month bago lumipat ng bahay upang hindi sumama ang mga mapaglarong espiritu sa inyong bagong tirahan. Pinapayuhan ding mag-alay ng pagkain, maghanda ng anim na inumin, anim na ulam, at dalawang kanin. Mag-insenso sa labas ng bahay. Kumbaga, para kang nagpapaalam sa spirits. Mangyari’y kumonsulta sa Feng Shui experts tungkol sa masusuwerteng ayos ng pintuan, bintana, puwesto ng furniture abp. upang magtuluy-tuloy ang inyong suwerte.
7. HUWAG MANOOD NG HORROR MOVIES. Anila, totoo raw na nakikinood ang mga espiritu sa ’yo hanggang sa matapos ang palabas. Posible itong magdala ng peligro dahil maaakit sila sa iyong tahanan. Bukod pa rito, tandaan na ang pagbanggit ng mga multo o pag-uusap tungkol sa kanila ay maaari ring makatawag sa atensyon ng mga gumagalang espiritu sa inyong lugar.
8. IWASAN ANG MGA “YIN” NA LUGAR. Dahil sa YinYang, ang Yin ay ang tinaguriang mabigat na enerhiya. Kaya dapat iwasang pumunta sa mga lugar tulad ng lamay, ospital, sementeryo at punerarya dahil dito umano namumugad ang mga ligaw na espiritu at malaki ang tsansang sumama ito sa’yo.
Ang mga nabanggit na impormasyon ay mula sa isang panayam sa ating kaibigang Intsik. Dagdag pa niya, August 22 ang climax at pinakadelikadong petsa ng Ghost Month dahil ito ang ika-15 araw, kaya huwag ding kakalimutan ang magdasal dahil walang hihigit sa pananalig sa Kataas-taasan.
So, beshie, ibahagi mo na rin ito sa mga kaibigan mong Tsinoy o kahit sa purong Pinoy upang pare-pareho nating ma-manifest ang good luck sa kasagsagan ng Ghost Month. Afterall, wala namang mawawala kung susubukan nating sumunod, ‘di ba? Good vibes lang dapat. Bawal ang nega.
Okie?!