top of page

Mga dapat iwasan ng ahas para 'di ma-scam

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 8, 2024
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Pebrero 8, 2024


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Snake o Ahas.Ang Snake o Ahas ay silang mga isinilang noong taong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013 at 2025. 


Bagama't magiging maayos ang unang quarter ng taong 2024 sa buhay at kapalaran ng isang Ahas. Sa second quarter naman ay magiging abala sila sa kanilang pang-araw-araw na kabuhayan. 


Sinasabing kapag may kaugnayan sa salapi ang pagtutuunan ng Ahas, ito ang pagkakataon nilang umangat sa buhay.


Ngunit, pinag-iingat ang mga Ahas sa paggastos at pagbili ng mga bagay na kung anu-ano. Ang naumpisahang paglabas ng pera o salapi ay maaaring magtuluy-tuloy hanggang sa buong taon. Kaya dapat iwasan ng mga Ahas ngayon ang paggastos para magtuluy-tuloy ang kanilang pag-unlad. 


Sinasabi rin sa una hanggang ikalawang bahagi ng taon, madami pang mga suwerte ang nagkukubli sa pansamantalang suliranin, ngunit hindi dapat sumuko ang mga Ahas. Ang inaakala nilang pagsubok ang magdudulot ng karagdagang suwerte at kapalaran sa kanilang karanasan. 


Sa ikatlong hati naman ng taon, sa buwan ng Abril hanggang Mayo, marami kayong matatanggap na biglaang suwerte na magdudulot ng kakaibang karangalan, at pagkilala. Sa bawat increase na magaganap sa kanilang buhay, dapat nila itong itutok sa pag-iipon upang hindi masayang ang magandang oportunidad na kanilang pagkakakitaan.


Pagsapit naman ng Setyembre hanggang Oktubre may malaking gastusin silang kahaharapin. 'Yung mga naipon nila mula sa buwan ng Abril hanggang Agosto ay maaaring mawala o magastos. Kaya sa panahong tinuran, mag-ingat sa paggasta para kapag nangailangan na kayo, hindi n'yo na kakailanganin pang mangutang sa ibang tao.


Ang pangungutang ay dapat ding iwasan ng mga taong Ahas dahil ito ang magpapabagsak ng kanilang kabuhayan. Tulad ng nasabi na, panatilihin n'yo ang pagiging masinop sa buong taon upang mapakinabangan n'yo ang mga suwerte hanggang sa huling buwan ng taon.


Dagdag dito, pinag-iingat din ang Ahas sa paglabas ng salapi, dahil maaari silang maloko sa isang investment na hindi naman totoo. 


Sa halip, bago kayo maglabas ng kuwarta, isipin at siguraduhin n'yo muna na babalik ang inilabas n'yong salapi para hindi kayo malugi o madaya.


Pagdating naman sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, magiging masarap ang karanasan ng mga Ahas, higit lalo sa buwan ng Abril hanggang Hunyo. At sa mga wala pang girlfriend o boyfriend, sinasabing ngayon n'yo matatagpuan ang hindi inaasahang sandali sa inyong buhay. May isang relasyon ding mabubuo mula sa dati n'yong kakilala na magdudulot sa inyo saya at tamis, pero ang romansang paghahaluan n'yo ay sandali at panandalian lang.  


Sa huling bahagi ng taong 2024, mula sa buwan ng Setyembre hanggang Disyembre, magiging abala kayo sa napakaraming gawain na halos hindi n'yo na malaman kung ano ang inyong uunahin. Sa panahong ito, ingatan n'yo ang inyong kalusugan, dahil may babala na kapag napabayaan n'yo ang inyong sarili, maaaring umatake sa inyo ang iba't ibang karamdaman.


Para maiwasan ang ganitong senaryo, kahit sobrang busy n'yo, i-priority n'yo pa rin ang pagre-relax kasama ang inyong pamilya.


Tandaan, kapag napanatili n'yo ang malusog at malakas na pangangatawan, mas makararanas kayo ng kaligayahan sa buhay. Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang Bulgar upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.



Itutuloy…


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page