top of page

Mga dapat gawin ng bebot na gustong mag-abroad

  • BULGAR
  • Apr 18, 2022
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| April 18, 2022


Dear Maestro,


Makapag-a-abroad ba ako? Kung oo, kailan naman ito magaganap? Gayundin, kung magtatayo na lang ako ng business, ano ang bagay o magandang negosyo para sa akin? October 30, 1987 ang birthday ko.


Umaasa,

Lailannie ng Sta. Elena, Marikina City


Dear Lailannie,


Alam mo, hindi ka masyadong uunlad at aasenso sa buhay hangga’t hindi humahaba na tila straight line ang dulong bahagi ng iyong lagda na nalilikha sa pagsulat mo ng letter “l”.


Samakatuwid, upang mas madali mong mapitas ang tagumpay, pag-a-abroad o pagnenegosyo man ‘yan, tulad ng nasabi na, sanayin mong isulat ang dulong bahagi ng iyong lagda na pa-straight line. Sa ganyang diskarte, mas madali kang aasenso at unti-unti mo ring matutupad ang iyong mga pangarap sa buhay.


Ang totoo, ang mga taong isinilang sa petsang 3 tulad mo, dahil ang 30 ay 3+0=3, ay madali namang nagtatagumpay, anuman ang career nila o kahit ano’ng gusto nilang gawin sa kanilang buhay na may kaugnayan sa propesyon o pangkabuhayan. Sapagkat ang mga Taong Tres (3), ‘wag lang masyadong magiging emosyunal ay nagtataglay ng ruling planet na Jupiter at sa lahat ng planet, tunay ngang si Jupiter ang pinakanagbibigay ng suwerte at mabuting kapalaran.


Kapag si Jupiter ay nasa fifth house sa Birth Chart ng isang indibidwal, ito ay tanda na magiging mapalad siya sa lahat ng uri ng speculation at pakikipagsapalaran tulad ng anumang uri ng sugal at iba pang may kaugnayan sa “gamble” o “gambling” ng kapalaran. Basta pumupusta, tumataya at kumukursunada, siya ay palaging pinapalad na magwagi ng malalaking halaga.


Ganu’n kaganda ang kapalaran ng mga taong may ruling planet na Jupiter dahil siya ang isa sa pinakasuwerteng planeta. Kaya kapag naghari sa buhay mo ang iyong birth date na 3, kasabay nito ay maghahari rin sa kapalaran mo ang magandang kapalarang hatid ni Jupiter.


Kaya sa iyong tanong kung makapag-a-abroad ka, oo naman, basta huwag lang madadaig ng destiny number mong 2 ang birth date mong 3.


Naging 2 ang destiny number mo dahil ang birthday mong October 30, 1987 ay may ganitong kompyutasyon: 10+30+1987=2027/ 20+27=47/ 4+7=11/ 1+1=2. Ibig sabihin, kapag nanaig sa buhay mo ang numerong 2, hihina ang loob mo at magdadalawang-isip ka sa iyong mga plano. Ito ang magiging hadlang upang ikaw ay manaig at magtagumpay.


Kaya dapat palagi mong panatilihin ang kapangyarihan ng numerong 3 sa iyong buhay sa ganitong mga paraan: (1) Palagi kang gagamit o magsusuot ng kulay asul o pula. Puwede rin ang violet, purple, lilac, maroon at iba pang kulay na hinango sa red at blue, (2) lakihan mo ang iyong sulat kamay at lagda upang madagdagan pa ang iyong lakas ng loob at enerhiya at upang magkaroon ka ng dagdag pang confidence at tiwala sa sarili, (3) mag-alaga ka ng hayop o mga halaman, basta ang mahalaga, may inaalagaan ka, na siya ring magsisilbing pampasigla at libangan mo.


Hinggil naman sa kung ano’ng uri o klase ng business ang dapat simulan, ayon sa zodiac sign mong Scorpio, “Suitable careers will be found in work that actively helps others, such as surgeon, spiritual healer, psychiatrist, or psychologist, and in work dealing with the public welfare, such as police detective, undertaker, or research worker.” Puwede rin sa iyo ang lahat ng negosyo o kalakal na may kaugnayan sa tubig o mga produktong nanggagaling sa tubig, gayundin ang mga negosyong may kaugnayan sa hangin. Ang mga kalakal na kulay berde at kulay pula ay maaari mo ring isaalang-alang.


Habang, ayon sa iyong Travel Calendar, significant at favorable years mo naman sa pangingibang-bansa ang taong 2022 hanggang 2025.

Komentar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page