Mga dahilan kung bakit natatagalan mag-asawa ang mga Taong Nueve
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | September 27, 2023
Dear Maestro,
Kailan ba darating ‘yung lalaking mamahalin ako at makakasama ko sa pagbuo ng isang maligayang pagpapamilya? Imagine, Maestro, umabot ako sa na edad 27 at hanggang ngayon ay ‘di pa rin ako nagkakaroon ng boyfriend. Gayung may hitsura naman ako. Sana ay dumating na ang lalaking para sa aking upang maging masaya naman ang pasko ko.
Ang birthday ko ay June 18, 1996.
Umaasa,
Yanna Banaba, San Mateo, Rizal
Dear Yanna,
Mahihirapan kang makatagpo ng lalaking mamahalin ka, sapagkat ang mga Taong Nueve na tulad mo, (ang 18 ay 1+8=9) ay masyadong mapili sa larangan ng pag-ibig at pakikipagrelasyon, na pinalala pa ng pagiging Gemini mo.
Hindi naman kayo actually mapili. Sa halip, naghahanap lang kayo ng lalaki o kasuyo na mas magaling sa inyo at walang kapintasan. Halimbawa, ikaw ay isang college graduate kung edukasyon ang pagbabatayan ang nais mo ay ang mas magaling at mas matalino sa iyo. Kaya nga, mientras mas mataas ang dignidad ng iyong pagkatao ang ibig mong mapangasawa.
Kung sa larangan naman ng propesyon, halimbawa, ikaw ay isang supervisor ng isang kumpanya, hindi mo gugustuhing magkaroon ng isang relasyon sa kapwa mo rin supervisor o mas mababa sa iyo ang posisyon, unconsciously ang tatargetin mong mapangasawa ay isang manager o anak ng may-ari ng inyong kumpanya.
Ganundin sa katayuang panlipunan. Kung nasa middle class ang inyong pamilya, ang papangarapin mong mapangasawa ay ang mas mayaman sa inyo. Halimbawa, kung ikaw ang isang pangkaraniwang guro, ang hahangarin mong mapangasawa ay isang supervisor, principal o kaya naman ang mismong may ari ng inyong iskul.
Ganu’n ang mga Taong Nueve, hindi sila mag-aasawa ng isang pipitsuging nilalang. sapagkat ang lagi nilang hangad ay mas magaling sa kanila ang kanilang pakakasalan.
Ito ang dahilan kaya natatagalan silang mag-asawa, dahil ang hanap nila ay isang magaling at walang kapintasan, gayung sila naman itong hindi magagaling at marami ring kapintasan. Imbes na puso ang paganahin, isip at utak ang kanilang pinapagana.
Sa madaling salita, mautak sila kaya sa bandang huli, nauutakan din sila ng kapalaran at malamang na hindi na sila makapag-asawa habambuhay at ‘di na sila lumigaya sa pag-aasawa.
Kaya nga sa sandaling hindi mo ibinaba ang pamantayan kung paano at sino ang lalaking pakakasalan at makakasama mo habambuhay, tulad ng naipaliwanag na, matatagalan ka pa bago makatagpo ng isang taong makakasama mo for life.
Kaya kapag nagkaroon ka ng boyfriend na mas mababa sa iyo ang katayuan o nararamdaman mong mas magaling ka sa kanya, tulad ng inaasahan, hindi magtatagal ang inyong relasyon dahil magkakahiwalay din kayo. Subalit, balintuna naman nito kapag ang natagpuan mong boyfriend ay mas magaling sa iyo o mas mataas sa iyo ang katayuan sa lipunan na inyong ginagalawan, siya na ang makakatuluyan at makakasama mo habambuhay.
Habang ayon sa iyong Love Calendar Yanna, nakatakdang lumutang ang lalaking mapapangasawa at makakasama mo for life sa taong 2026 sa edad mong 30 pataas hatid ng isang lalaking maskulado ang pangangatawan, pero kulang sa prinsipyo at kapos sa katalinuhan. Gayunman, hindi mo na dapat siyang pintasan upang sa nasabing panahon, hayaan mo lang na ang kapalaran ang masunod, sa nasabing panahon, ang langit na ang magpapasya para sa iyo - makakapag-asawa ka na at magkakaroon ng isang simple pero panghabambuhay na pamilya.




Comments